Iba’t -ibang kwento ng pag-ibig at pakikipagsapalaran ang ilalathala linggo-linggo bilang handog ng akoaypilipino.eu sa pagpasok ng buwan ng mga puso. Mga kwentong kathang-isip lamang na ang tanging layunin ay ang magbigay-aliw sa mga mambabasa. Anumang pagkakatulad sa pangalan o kaganapan ay hindi sinasadya at isang pagkakataon lamang.
Magkasintahan ang dalawa nang dumating sa Florence. Di na bago sa kanila ang mag-abroad. Pareho silang galing ng Gran Britanya. Nakipagsapalaran bilang estudyante habang kayod-kalabaw para sustentuhan ang pambayad matrikula, pagkain, tirahan at ang regular na pagpapadala ng pera sa Pilipinas. Halos apat na taon ang kanilang itinagal doon bago nagbakasakaling humanap ng swerte dito. Di na kasi nila maaring i-renew ang kanilang dokumento. Sila ay kabilang sa maraming “ front” lang ang student visa dahil ang pangunahin nilang layunin ay magtrabaho at kumita. Nagbabaka-sakaling maging regular na trabahador doon balang araw.
Pareho silang nakapag-aral. Si Tina ay dating supervisor sa isang kilalang kompanya ng telepono sa Pinas. Si Carlo naman ay dating OFW sa ibang bansa at seaman. May dalawang anak si Tina, si Carlo naman ay binata. Nagkatagpo, nagmahalan at nangakong magsasama at magtutulungan. Mahaba-haba na rin ang kanilang pagsasama.
Di ko naman talaga sila kakilala. Ipinakilala lang sila ng aking kaibigan para matulungang makapagsimula. Mahirap ang trabaho sa Garden pero okay lang kay Carlo. Halos maghapon kang nakabilad sa nakapapasong init ng araw. Ang trabaho, magkalaykay ng nangalalaglag na hibla ng dahon ng Pine Tree, sumuot sa ilalim ng halamanan para hawanin ang mga damo at alisin ang layak, maghakot ng mga pinutol na sanga at dahon ng puno’t halaman, mag-spray ng pestisidyo at maghasik ng pataba. Lahat ng ito ay obligadong matutunan para magustuhan ng among Italyano. At kapag nagustuhan ay ipatatawag muli sa mga susunod na araw. Kaakibat nito ang pamamag-asang mairekomenda sa mga kaibigang Italyano na posibleng mangailangan ng katulong. Balang araw.
Si Tina naman ay umekstrang babysitter. Sa unang araw pa lang, dismayado at mababa na ang kanyang moral. Iba daw pala ang mga bata dito sa Italya. Mga sutil at matitigas ang ulo. Kinukunsinti ng mga magulang ang kalokohan at pinababayaan na gawin ang kanilang gusto kahit sa punto na makasakit ng kanilang mga tagapag-alaga. Isang araw, kwento ni Tina, walang kaabog-abog ay bigla siyang hinampas ng kanyang alaga. Tulala, mabilis na sumirit ang luha at dumaloy na parang malamig na yelo sa kanyang pisngi. Tuyo ang lalamunan at pigil ang damdaming nais humulagpos sa kalapastanganan noon lang niya naranasan mula sa isang paslit. Animo bulkang sasabog ang dibdib subalit nagpupuyos man sa galit at sa naising gumanti, ang lahat ay nauwi sa pagsasaisantabi at pagpapaubaya.
“Ano babalik na sa Davao si Carlo at maiiwan ka dito?” tanong ko kay Tina. Naubos na daw ang halos sampung libong Euro na kanilang naipon galing ng London. Dahil mula nang sila ay dumating, umandar na ring parang taxi ang gastusin. Mas malaki kasi ang gastusin kaysa perang pumapasok sa bulsa. “Dito dalawa ang kalaban, ang panganib na matiklo at ang walang kasiguruhang matanggap sa trabaho dahil pareho kaming undocumented o ‘clandestino’ sa wikang Italyano….”
Magbabakasakali na makasampa uli sa barko o magsimulang pagyamanin ang kanilang maliit na lupain sa Mindanao. “Bahala na,” sabay na winika ng dalawa. Susunod na lang daw si Tina kapag ‘okay’ na ang lahat o babalik si Carlo sa Italya kapag naayos na ni Tina ang kanyang dokumento.
Isang araw tumawag si Tina, uuwi na rin matapos ang ilang buwan na umuwi ang kanyang kasintahan. Di na na niya mahihintay pa ang paglabas ng kanyang Permesso di Soggiorno. Tinulungan kasi siya ng kanyang kamag-anak. Naglabas kasi ng amnestiya ang gobyernong Italyano para sa lahat ng mga iligal na naninirahan at nagtatrabaho sa Italya. Ang kamag-anak niya ang pinalabas nilang magiging employer niya upang mabigyang daan ang pagpoproseso ng kanyang mga papeles.
Kahit sa kabila ng malinaw na pag-asang maging regular, uuwi pa rin si Tina. Sa maraming dahilan. Graduation ng isa sa kanyang dalawang anak, sabik na siyang mayakap ang mga ito, matagal na panahong wala siya sa kanilang piling. Maraming dahilan subalit umiikot lamang sa iisang punto. Ang pananabik na mahagkan at mayakap ang supling. Kahit pa mabibigyan na ng kaganapan ang lahat ng dahilan ng kanilang pangingibang-bayan. Kahit pa abot-kamay na ang lahat ng ito. Kahit pa siguradong-sigurado na ang pagkakaroon ng permesso di soggiorno.
Sabi pa ni Tina bago siya umuwi sa aming maigsi subalit malamang usapan sa telepono: “Ang buhay ay palaging haharap sa sangang-daan, mamimili ka lang. May mga bagay na di matatapatan ng salapi tulad ng halik at yakap ng isang anak. May mga bagay na di maipagpapalit sa inaasahang ‘pagkakataon’ tulad ng di mabibiling kasiyahan ng anak na makapiling ang kanilang ina sa isang napakaimportanteng araw ng kanyang buhay, ang graduation. Naisip ko tuloy habang nanginglid na rin ang luha sa aking mga mata, marahil tama siya sa kanyang piniling desisyon. Subalit maaring mali din siya na di mapangibabawan ang lahat ng ganitong kahinaan, kung pahihintulutan mang sabihin na ito nga’y isang pagkakamali.
ni: Rhoderick Ople