Ano nga ba ang pinagmulan ng pagdiriwang na ito ng Sinulog sa Pilipinas na ipinagpatuloy na ring gawin sa Italya at sa iba pang panig ng mundo kung saan maraming Pilipinong Katoliko ang naninirahan?
Ayon sa kasaysayan ng Pilipinas, ang Sinulog ay nagsimula sa Cebu kung saan ay unang ibinahagi ang Kristiyanismo dala ng ekspedisyon ni Ferdinand Magellan noong 1521.
Ang salitang ‘sulog’ ay mula sa diyalektong Cebuano na nangangahulugan ng “gaya ng agos ng tubig”.
Mula sa mga nasusulat sa mga libro ng kasaysayan, ang mga katutubong Pilipino umano noon ay may partikular na sayaw na noon para sa kanilang mga sinasambang anito at isinasagawa nila ito bilang paraan ng pagsamba at paghiling.
Ang imahen ng Santo Nino ay inihandog sa tribu bilang regalo at simbolo ng pakikipagkaibigan, at sa layunin na rin na maipakilala ang Kristiyanismo sa kanila.
Taong 1565 naman nang dumating ang ekspedisyon ni Miguel Lopez de Legaspi at natuklasan nila ang imahen ng Santo Nino na nasa pangangalaga ng tribu at ito na ngayon ang sinasamba at inaalayan ng sayaw. Habang isinasayaw ang sulog ay isinisigaw ang “Sangpit Senyor” o panawagan ito sa paghingi ng tulong o intersesyon ng Senyor Santo Nino.
Base pa sa isang salaysay, nang matanggap na ni Hara Humamay (Reyna Juana) ang imahe, sa tuwa ay napasayaw ito na siya na ring pinagbasehan ng sayaw ngayon sa Sinulog, dalawang hakbang pasulong at isang hakbang palikod.
Balik sa kasalukuyan, ano ba ang kahulugan at kahalagahan ng isinasagawang ito ng mga Katoliko maging sila ay naninirahan na nang malayo sa sariling bansa?
“Hindi lamang ito isang masiglang selebrasyon kundi pagsasabuhay ng tunay na mensahe ng Kristiyanismo, ang pagpapalaganap ng matibay na pananampalataya sa Diyos at ang pagkakaisa ng mga Pilipino”, tulad ng bahagi ng sermon sa misang isinagawa sa Torino bago ang parada ang European Sinulog 2019.
Dittz Centeno-De Jesus
Basahin rin:
EUROPEAN SINULOG FESTIVAL sa Torino, simbolo ng pananampalataya at pagkakaisa ng mga Pilipino
Sinulog Festival 2019 ginunita sa Milan