Halos wala sa sarili at palinga linga si Winnie habang patuloy sa paghahakot ng mga maleta ng kanyang mga amo. Habang paakyat ng hagdanan ng Villa ay panakaw na tinatanaw ng dalaga ang kabilang bakuran ng katabing villa. Ang magandang duplex ay pag-aari ng pamilya Di Penta na tatlong taon nang amo ni Winnie habang ang kabilang bahagi ng duplex ay pinauupahan sa mga turista. Noong isang taon ay inupahan ito ng isang pamilyang taga Londra at doon niya nakilala si Nelson ang pilipinong tuttofare ng pamilyang Wilford.
"Winnie darling, the Wilfords will come tommorow!" nahalata ni Signora Di Penta ang panunuri ng katulong sa kabilang bakod kaya at agad na ipinahiwatig nito ang late reservation ng mga ingles . Alam na din ng senyora ang nabuong pagmamahalan sa dalawang kasambahay nong nakaraang taon. Namula naman ang pisngi ng dalagang katulong nang mapuna niya ang nakangiting amo habang magkatulong sila sa paghahakot ng mga maleta. Saksi ang mag asawang Di Penta sa summer love story nila Winnie at Nelson.
"Bayang Magiliw, Perlas ng Silanganan" malakas ang magandang tinig ni Nelson habang inaawit ang Lupang Hinirang para lamang mapansin siya ng dalaga sa kabilang bakod.
" Hoy bakit mo nasabing Pinay ako?" Hindi malaman ni winnie kung paano sisimulan ang pakikipag usap sa binata.
"Ang dalagang Pilipina, parang tala sa umaga" walang tigil ang binata sa pag awit na parang naghaharana. " Ako si Nelson, taga Bulacan at limang taon na akong nag tatrabaho bilang skipper ng barko ng mga Wilford.
" Skipper o katulong? pabirong tanong ng dalaga.
"Katulong sa dokumento pero skipper ang trabaho at suweldo. Alam mo na mas madali ang processing ng papel ng domestic jobs kesa sa seafarer kaya yon ang solusyon na naisip ni Sir Wilford. Mabait sila sa akin sabi pa ni sir mag asawa lang daw ako ng magandang tulad mo kukunin nilang aussie eh"halong biro at pambobola ang tugon ni Nelson.
" Ako si Winnie, taga Batangas. Nursing graduate ako sa atin pero mahirap magtrabaho kaya nagpatulong ako sa mga pinsan ko na mapunta dito sa Italia. Taun taon ay dito ang summer vacation namin sa Isola D'Elba dahil nabili ng amo ko ang villa na ito pati na yang inuupahan ninyo." pakilala ni Winnie sa sarili.
"Alam ko dahil ako ang nagclose ng rental deal sa computer. Halos ako lahat ang namamahala sa movements ni Sir kaya naman malakas ako sa mga yon." paliwanag ng bulakenyo. "Anong day off mo para yon din ang hihingin kong rest day ." tanong pa nito.
"Kami po dito sa Italia ay half day Thursday at whole day sunday ang day off pero pag summertime ay halos Sunday lang dahil gusto nila ng total rest. " anang dalaga.
" Okay sagot ko ang fist Sunday, sagot mo ang second Sunday tapos noon everytime na magkasama tayo sagot ko na lahat dahil by that time syota na kita." nakangiti ang binata habang kumakaway ito patungo sa motorinong magdadala sa kanya sa molo, sa yate kung saan siya tunay na nagtatrabaho.
"Hoy Mr. Mahangin tingnan ko lamang kung haggang saan ka tatagal baka pagkatapos ng bakasyon ay ubos na ang yabang mo!" pasigaw na wika ng batanguena.
Nagtagal nga ang panliligaw ni Nelson kay Winnie. Para sa kanila ay pinakamasaya at makulay ang summer vacation na iyon. Sa bawat pagkakataon ay silang dalawa ang magkasama. Sakay ng service bike ng yate ay halos naikot nila ang Isola D'elba. Naroong maligo sila sa beach o kaya ay magkahawak kamay na namamasyal sa dalampasigan habang kumakain ng gelato.
" Sige history tayo ngayon, Sino ang dictator na itinapon sa Isola D'Elba at tumira sa palasyong ito?" nakaturo ang dalaga sa lumang gusali na nagsilbing kulungan ni Napoleone Bonaparte.
" Si Ferdinand Marcos! Isinakay siya ng U S marines sa helicopter at dinala dito noong 1985!" pabirong tugon ni Nelson.
" Hoy Hawaii ang tinutukoy mo at hindi ito bukod doon ay lumang dictator ang pinaguusapan dito hahaha " natatawang paliwanag ng dalaga. (ni: Tomasino de Roma)
(Abangan Ikalawang Bahagi)