Karanasan at pangarap ng mga kasambahay ang mapapanood sa isang video clip buhat sa Acli Colf. “Ako ay nasisiyahan dahil nakakatulong ako sa mga taong kundi dahil sa akin ay maaring nahihirapan sa kanilang tahanan”.
Roma- “Ang Italya ay Amerika para sa akin,” ayon kay Rachel. At ito na rin ang panuntunan ng halos lahat ng mga colf, babysitters at caregivers dito sa bansang Italya.
Sa kabila ng hirap, pagod, malaking responsabilidad at kawalan ng free time ay mahal nila ang kanilang ginagawa: “Ako ay marangal na nagha-hanapbuhay at ako ay nasisiyahan dahil nakakatulong ako sa mga taong kundi dahil sa akin ay maaring nahihirapan sa kanilang tahanan”.
Ang “Tra vent’anni”, titolo ng video clip, ay nagtataglay ng mga karanasan ng mga nilisan ang sariling bayan, magulang, anak upang mag-alaga ng magulang at anak ng ibang tao.
“Sinimulan ang video sa pamamagitan ng isang paniniwala sa proyekto sa buhay. At sinubukang unawain kung paano ito haharapin sa kabila ng kasalukuyang krisis bilang isang kasambahay at kung ano paano mailalarawan ang bukas o 20 taon mula ngayon”, paliwanag ni Raffaella Maioni, ang country head ng Acli Colf.
“Pakiramdam ko, ako ay isang Italyano kahit na wala pa akong italian citizenship, dahil ako ay bahagi ng kagalakan at kalungkutan ng bansang Italya”, ang kwento ng ilan. Ngunit sa kabila nito, malalim rin ang pananabik sa sariling bansa at nagnanais na bumalik sa bayang sinilangan, sa Pilipinas tulad ni Rufina. Marahil, 20 taon mula ngayon ay hindi magarantiya ng Italya ang matiwasay na pamumuhay hatid ng kanilang magiging pensyon.
Sila nga ba ay tunay na magbabalik sa sariling bansa? Isang katanungang sasagutin ng kasalukuyang panahon, pansamantalang sila ay naririto sa Italya at maituturing na maswerte dahil sa hanapbuhay.