in

TUMBANG PRESO

Ang kwento pong ito ay kathang-isip lamang. Layuning magbigay-aliw at makapag-hatid ng mabuting aral sa mga mambabasa.

 

Malakas ang kaba ng dibdib ni Freddy habang hawak ang tsinelas at inaasinta ang latang nasa kabilang panig ng linya. Sa mga bata ng barrio Silang ay siya ang pinaka-magaling sa tumbang preso. Kung maitutumba niya ang lata ay maililigtas niya si Teresa, ang kanyang kapitbahay at kababata na buong  tiwalang nakangiti habang hinihintay ang resulta ng pagbato ng tsinelas.

“Hoy magkuwento ka naman ng buhay mo sa Italya”, sigaw ng dalagang gumising sa nangagarap na binata. ” Nakapag-abroad ka na tahimik at mahiyain ka pa rin”, dagdag pa ni Teresa.

Masayang nagkakainan ang mga kaibigan ni Freddy. Mga kaklase sa Silang Elementary School na nagkita-kita upang salubungin ang unang pagbabalikbayan ng binata.

“Okay lang ako doon. Pinalad na makapag trabaho sa isang supermarket. Una ay taga-linis at taga-lagay ng mga paninda sa shelf tapos na-promote na storage manager tapos ngayon ay nasa accounting na.” Nakatungo habang nagkukuwento ang mahiyaing binata.

“Pre kuwento sa amin ng nanay Indang mo nakursunadahan ka daw ng dalagang anak ng may-ari ng super market kaya tuluy-tuloy ang promotion mo hahahaha!” Bigay na bigay ang panunukso ni Randy, ang karibal sa murang pag-ibig ni Freddy kay Teresa.

“Hoy don’t forget na CPA board passer ang kababata natin normal lamang na makaabot siya sa trabaho nya ngayon”, pagtatanggol ni Teresa na pumutol sa malakas na tawanan ng magkakaibigan.

“Hoy Freddy alam mo ba na head nurse na sa Provincial Hospital yang si Tere at mga doctor ang nanliligaw sa kanya pero wala paring syota dahil may ka-skype daw na OFW. Hahaha.” Panunukso rin ang sabad ni Rina ang pinsan at kaklase ni Freddy. Nakarating na sa kaalaman ng barkada ang panliligaw ni Freddy sa kababatang nurse.

“Malaking tulong talaga ang skype at Facebook sa mga mahihiyaing tao lumalakas ang loob na manligaw hahahaha”, walang tigil ang panunukso ni Rina sa balikbayang pinsan.

“Salamat sa inyong pagdating. Akala ko nakalimutan na ninyo ako.” Wika ni Freddy habang iniaabot ang mga munting regalo sa mga kaibigan.

“Habang nakikita ko ang kaisa-isang peklat sa binti ko, hindi kita malilimutan.” Pabirong wika ni Teresa habang bahagyang itinataas ang bestida upang ipakita ang peklat sa kaliwang binti nito.

Bagay na nagpabalik gunita sa binata kung paano nagtapos ang larong tumbang preso. Sa takot na hindi mailigtas ang crush na kababata ay napalakas ang bato sa tsinelas at tinamaan ang lata na sinamang palad naman at pakarambolang tumama ang lata sa binti ni Teresa.

Hindi lamang souvenir gifts ang iniabot ni Freddy kay Teresa. Isang PRADA bag at malaking bote ng Chanel perfume ang masuyong inabot ng nanunuyong balikbayan.

“Okay sa sabado sa bahay namin ang meeting sagot ko ang wheels at si Freddy sa entrance at pagkain. Sa Bayabas Resort tayo farewell party natin kay Freddy”, ang pagtatapos ni Teresa habang buong tamis ang ngiting tinanggap ang mga regalong dala ng binata.

Ang hindi alam ng mga kaibigan ng dalawa ay mahigit isang taon na nang sagutin ni Teresa ang balikbayang manliligaw. Nagsipag-alisan na ang mga ito . Ang magkasintahan na lamang ang natira sa terrace ng bagong gawang bahay ng binata.

“Pasensya na at ito lamang ang aking nakayanan.” Ang pabulong na wika ni Freddy habang isinusuot sa daliri ng dalaga ang singsing na may brilyante.

“Hindi na maubos ang regalo mo sa akin ah”, biro ng dalaga habang masusing minamasdan ang mamahaling singsing.

“Kung ikakasal tayo at sasama ka sa akin sa Roma ay higit pa diyan ang maibibigay ko.” Halos ay malapit na ang labi ng binata sa buhok ng dalaga nang ibulong ang kanyang nais.

“Parang hindi pwede dahil may posibilidad pa na masama ako sa Board of Directors ng Hospital. Ikaw na lamang ang bumalik dito and we will try our luck together here.” Maamong tugon ng dalaga.

Sa mahabang kuwentuhan ng dalawa ay malinaw na ayaw bitawan ng bawat isa ang kanilang tagumpay sa trabaho. Alam din ng dalawa na maraming pamilya ang nasisira sa pangingibang bayan ng isa o parehong panig ng mag-asawa. At maraming kaso na din ng mga nauunsiyaming pag-ibig dahil din sa pangingibang bansa.Takot si Teresa na mawala si Freddy sa buhay niya subalit parang mas higit na mahalaga ang sunud-sunod na pagtaas ng kanyang posisyon sa Provincial Hospital. Ganoon din ang damdamin ni Freddy. Hindi niya kayang iwan ang magandang trabaho sa Italya at lalong hindi niya kayang iwan ang kasintahan.

“Oh sige punta tayo sa Baguio, 3days tayo doon and we decide. Para pagblik tamang tama sa resort outing ng tropa.” Nakangiting wika ng dalaga. Dama ni Teresa na walang uuwian ang usapan nilang dalawa . Nagpaalam ito at mabilis na tumungo sa kotse upang lumisan.

Walang nangyari sa Baguio. Hindi ito nakapagbigay ng isang magandang desisyon sa relasyon ng dalawa. Wala din silbi ang malamig na klima ng mataas na siyudad. Marahil ay hindi sapat ang damdaming dumaloy sa chat at skype calls ng dalawa. Marahil ay pinanlamigan silang pareho dahil ayaw nilang bitawan ang kanilang mga pangarap na tagumpay sa trabaho. Marahil ay mas higit na komportable si Teresa sa Pilipinas. Marahil ay ganap na ang integrasyon ni Freddy sa Roma.

At lalong nabuo ang desisyon ni Freddy nang dumating ang araw ng farewell party ng barkada.

“oh bakit L300 mo ang dala natin?” tanong ni Freddy kay Randy.

“Hoy kabibili ko lang nito at bago pa, kaya sumakay ka na lang at susunod na lang daw si Teresa“, pabirong sagot ng kaibaigan.

“Isinama daw ni Doc Perez, yung supervisor niya at may interview daw sa Manila ang lahat ng candidates for promotion.” Paliwanag ng pinsan at kaibigang si Rina. “Don’t worry mabilis magdrive si Tere at susunod agad iyon.” Dagdag pa nito.

Sa pagkakataong iyon ay batid na ni Freddy ang wakas ng kuwento nila ni Teresa.  Hanggang tumbang preso na lamang ang kanilang pagmamahalan. Isang matamis na alaala ng kanilang kabataan…. Pag ibig na mula pa sa pagkabata ay nadama na ng kanilang mga murang damdamin subalit kinulang sa panahon upang ito ay magkaroon ng kaganapan. Buo na din ang pasya ni Freddy. Matapos ang party sa Resort ay tutuloy ito sa Manila upang bumili ng mamahaling regalo para kay Giulia, ang anak ng may-ari ng super market.

Isang patunay na maraming pag-ibig ang nabubuo, nasisira at nauunsiyami nang dahil sa pangingibang bansa.. Isang patunay na isang murang damdamin na nagmula pa noong panahon ng patintero at tumbang preso ay mawawala kapag nalayo at natikman ang buhay sa ibang bayan. (Tomasino de Roma)

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

PHOTOSHOW 2014

Permesso unico per lavoro, maaaring gamitin para mag-trabaho sa ibang EU countries?