in

WELCOME SA ROMA!

Paglapag palang sa airport
Tatlong pares sa ki’y bumulaga
Naglalambingan, naglilingkisan

At matamis na nagtutukaan
Na walang pakialam sa kaninuman.
Kakaibang lugar ng pag-iibigan.
Welcome sa Roma!  

Sa aking palagiang paglalakad
Sa kalye, tourist spots o park man
Malimit aking namamataan
Matatandang mag-asawa
Naglalakad, magka-holding hands.
Napakapayapang lugar sa pagtanda.
Welcome sa Roma!  

Sa paligid mga pinagpipitagang likha:
Statues, paintings, fountains, piazza…
Ang siyudad ay isang higanteng obra
Na sa aninag ng mga dilaw na ilaw
Dala ay simoy ng pag-iirugan.
Napaka-romantikong lugar magpantasya.
Welcome sa Roma!  

At bawat dilag na masisilayan
Wari ko’y mga anghel sa kalangitan:
Mapuputing balat, matatangos na ilong,
Kahali-halinang mukha, maaamong tinig.
Animo’y mga artistang abot-kamay lang.
Agad malilimutan ang perlas ng silangan.
Welcome sa Roma!  

Isang araw paglunan sa Bus 64
Isang balinkinitan at mayuming binibini
Na sa tinging malagkit sa ki’y nagmakaawa
Ngumiti, sabay abot sa aking baywang…
Makikikapit lang daw sa siksikang pasada.
Lugar na libreng magkasala.
Welcome sa Roma!  

Sa pagdagsa ng maraming pasahero
Hawak, naging yakap na mahigpit
Ulo’t labi ng dalaga, sa ‘king balikat na
At malalambot na kamay niya’y dama na
Aking dibdib simbilis ng bus sa pagpintig.
O kaydaling talikdan ang sinumpaan.
Welcome sa Roma!  

Kay sarap sanang namnamin
Ligayang makamundo at makasarili
Ngunit pagmamahal ng Diyos
Laging naririyan, nangingibabaw pa rin,
Nagpapaalala: di tama sa mali’y yumuko.
Kayhirap dito pagtagumpayan ang tukso.
Welcome sa Roma!  

Sa kabila ng pag-aagaw ng budhi
Kinuha’t inilayo kanyang braso
Kaakibat aking mariing titig ng pagtanggi.
Kabutiha’y nagwawagi lagi sa huli!
At sa sahig, aking cellphone ay nahulog.
Paraiso sana ngunit mapaglinlang…
Welcome sa Roma!
 
(Fr. Rex Fortes, cm)  

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Libretto sanitaria para sa naghihintay ng permesso di soggiorno

Angat pa rin ang Pinoy sa Napoli