May 18 ang simula ng pagsusumite online ng mga aplikasyon sa citizenship. Sa June 18 naman ay ganap na tatanggalin ang tradisyunal na pamamaraan ng pagsusumite ng mga ito. Sa Abril ay sisimulan ito sa ilang piling lalawigan lamang.
Roma – Marso 10, 2015 – Para sa lahat na nais maging ganap na italyano, malapit ng gawin lahat online.
Matatandaang noong nakaraang Setyembre ay tinawag ang pansin ni Minister Angelino Alfano ng Parliyamento upang bigyang-katwiran ang kabagalan sa proseso ng mga aplikasyon sa citizenship. Matapos nito ay nangako ng isang pagbabago: “Dadagdagan ang mga empleyadong susuri sa mga aplikasyon at lulubusin ang online processing”, pangako ng Minister.
Bagaman hindi binanggit ang dami ng mga empleyadong idadagdag matapos ang anunsyo, isang positibong pagbabago ang maaasahan sa tulong ng high technology. Higit dalawang buwan na lamang ang hihintayin, sa katunayan, at ang bagong electronic submission ng mga aplikasyon ang sisimulan.
Hanggang sa kasalukuyan, ang mga aplikasyon ay isinusumite ng personal o sa pamamagitan ng koreo. Simula May 18, ay sisimulang ipadala ang mga aplikasyon online, sa website ng Ministry of Interior. Tulad ng ilang mga procedure (tulad ng flussi), kalangan ang mag-register sa website at gamit ang username at password ay maaaring i-fill up ang application form at ipapadala online.
Sa aplikasyon ay ilalakip, ang electronic file ng pasaporte, dokumento buhat sa sariling bansa tulad ng police clearance at birth certificate at ang resibo ng pinagbayarang 200 euros. Matapos ang pagsusumite, ay masusubaybayan ang proseso nito, tulad ng nangyayari na sa kasalukuyan.
Ang bagong sistema ay inaasahang makakatugon sa isa sa mga pabigat ng kasalukuyang pamamaraan. Ang mga prefecture, sa katunayan, ay tinatanggap lamang ang mga aplikante by appointment, ngunit ang kakulangan sa empleyado ay nagiging sanhi ng matagal ng paghihintay upang maisumite ang aplikasyon kahit na kumpleto na sa requirements ang mga aplikante.
Sa loob ng isang buwan, ang bago at ang tradisyunal na pamamaraan ng pagsusumite ay parehong tatanggap sa mga aplikasyon. Ngunit sa pagsapit ng June 18, ay mananatili na lamang ang online submission ng mga aplikasyon. Inaasahang simple at hindi kumplikado ang bagong pamamaraan ngunit nananatili ang mga patronato para sa sinumang nagnanais ng tulong buhat dito.
Tulad ng aming inilathala, ang bagong sistema ay sisimulan ng mas maaga sa ilang lalawigan sa Italya tulad ng Alessandria, Aquila, Cuneo, Florence, Mantua, Modena at Novara. Sa mga nabanggit na lalawigan ay sisimulan ang online mula Abril at mula Mayo, makalipas ang isang buwan, ay sa pamamagitan na lamang ng internet ang maiiwang paraan ng pagsusumite ng aplikasyon.