Naganap nitong nagdaang Sabado, Abril 13, 2019 sa syudad ng Florence ang dayalogo sa pagitan ng COMELEC sa pangunguna ng Head of Post nito na si Bise Konsul Nadine Morales at ng Ofw Watch Toskana, CFCT Toskana at OFW GME – DDS Firenze.
Ipinaliwanag ni Bise Konsul Nadine Morales ang mga pagbabago sa kondukta na eleksyon o Overseas Absentee Voting. Ibinahagi niya na Postal Voting sa pangunahin ang magaganap na botohan. Bukas ang presinto sa Roma tuwing araw ng Lunes at Huwebes upang isubo sa Vote Counting Machine (VCM) ang mga nasagutan ng balota (kit) ng mga botante. Ang COMELEC at mga tauhan nito ang maari lamang magsagawa ng ballot feeding sa VCM.
Umani ng reaksyon mula sa mga lider ang bagong sistema na ipatutupad. Ikinumpara pa ito sa naganap na halalan noong taong 2016 kung saan sa umabot ng mahigit 300 ang nakaboto sa rehiyon ng Toskana.
Kinuwestyon ni Rey Reyes, Presidente ng OFW Watch Toskana na “nilalabag ng ganitong patakaran ang kabanalan ng pagboto kung hindi mismong mga botante ang magsususbo ng kanilang balota sa VCM. Liban pa, paano tayo nakatitiyak na ang balota na isusubo ng COMELEC sa VCM ay ang mga balota na ating nasagutan”?
Nagmungkahi din si Pabs Alvares, Tagaapangulo ng Confederation of Filipino Community in Tuscany, na kung maari ay gawin Sabado at Linggo ang ballot feeding sa presinto ng COMELEC sa Roma para marami ang makasaksi at makaboto.
Naglatag naman ng mga sumusunod na mungkahi ang mga Lider ng ibat-ibang Samahan kung paano masisiguro na matagumpay ang Overseas Absentee Voting sa Italya. Narito ang ilan sa kanilang mga mungkahi sa COMELEC Head of Post;
- Hayaan na ang mga botante ang magsagawa ng ballot feeding sa VCM.
- Maglunsad ng Ballot Casting sa mga syudad na malaki ang kosentrasyon ng mga botante.
- Magdagdag ng tauhan ang COMELEC o kumuha ng mga local volunteer sa tuwing panahon ng eleksyon.
- Gawin Sabado at Linggo o Huwebes at Linggo ang Ballot Feeding sa presinto.
- Bagamat makikita sa website ng Embahada at COMELEC ang mga impormasyon, makabubuti na magkaroon ng malaganap na pagpapakalat nito maging sa mga karatig-syudad at di lamang konsentrado sa Roma ang konsultasyon sa FilCom.
- Sinupin/Sistematisahin na ang balota ng mga botante ay nakatipon batay sa syudad o rehiyon kung saan ito naninirahan.
- Dagdagan ang VCM para maging mabilis at marami ang makaboto.
Malaking katanungan din kung bakit wala ang balota ng ilan sa mga rehistradong botante. Gayondin ang mga nagsipagparehistro subalit wala sa opisyal na listahan ng COMELEC. Wala din malinaw na impormasyon kung nasaan ang mga Voters ID. Ito ang ilan pa sa mga naging hinaing ng mga nagsidalo sa dayalogo.
Pinagpapaliwanag din ang COMELEC kung saan gagamitin ang sobrang balota na mas marami kumpara sa aktwal na bilang ng mga rehistradong botante. Sinabi rin ni Juancho Aquino, isang OFW sa Florence na ang “postal voting ay hindi epektibong sistema sa pagboto. Marami itong nilalabag sa sisasaad ng batas at alituntunin sa pagboto. Bukod pa, dagdag na gastusin din ito sa mga botante”.
Sa kabila ng lahat ng agam-agam at pagkabahala ng marami, nangako ang Head of Post na kanilang iingatan at tityakin na ang mga balota ay maisusubo sa VCM.
Ibarra Banaag