in

Overseas Absentee Voting sa PCG Milan, naidaos nang mapayapa

Mapayapang naidaos na ang Overseas Absentee Voting sa Konsulato ng Pilipinas sa Milan, Italya, sa kabila ng mga ilang isyu ukol sa pinagpasyahang pamamaraan ng Postal Voting mula sa desisyon ng COMELEC.

Mapapansing di karamihan ang nagsidating ang botante, may mga nagsipagdala na rin ng mga nasagutan nang balota at selyado na sobre at dala din nila pati ang sa kanilang mga kaanak o kaibigan na walang libreng oras para personal na magdala nito.

Ilan sa mga botanteng nakapanayam, si INEZ SARMIENTO ng Milano kasama ang kanyang dalawang anak, ay nagsabi na “ Kami ay bumoto ayon sa aming konsiyensiya, para sa ikabubuti ng ating bansa at hindi kami nagpadala sa udyok ng iba.” Naging isang magandang halimbawa ang inang ito sa kanyang mga anak na pawang mga first-time voters, upang maging responsableng mamamayang Pilipino kahit naninirahan na sa Italya.

Ang ilan naman sa mga FILCOM watchers at observers na naroon gaya nila Delia Gabatin, Cris Cocjin, Shane Vergara, Cri Quintos, Darwin Timbol, Edward Reyes at Lory Evano ay nagsaad ng kanilang hangarin na maging saksi sa nagaganap na botohan at bilangan upang makasiguro sa isang malinis at mapayapang eleksiyon. Isinakripisyo nila ang kanilang oras upang maging boluntaryo.

Sila ay nagmula pa sa Bologna, Treviso, Mantova at Milano din. Sa dami ng mga akreditong observers at watchers ay wala pa sa bilang na sampu ang naroroon para magmasid at magbantay sa kadahilanan na ring may mga trabaho ang mga ito o kaya ay may ibang prioridad.

Sa pagtuntong ng ika-labindalawa ng tanghali, (6 pm Philippine time) ay inihinto na ang botohan subali’t hinayaang makaboto pa ang papadating na botante na nasa 30-metro pang radius mula sa gusali ng Konsulato. Ang ibang mga dumating nang lampas na sa takdang oras ay di na pinahintulutang makaboto. Ang dahilan nila ay di daw nila alam na hanggang tanghali lamang ang oras na itinakda. Tinanggap pa rin ang mga nakasobreng balota nguni’t hindi na opisyal na isasama sa bilangan. Ang mga reklamo ng mga botante hinggil sa isinagawang postal voting na pamamaraan ay ipinasulat din at ipinasumite upang maiparating sa COMELEC.

Sa pagsasagawa ng feeding of ballots sa vote-counting machine, matiyagang inobserbahan ito ng mga Filcom representatives upang hindi magkaroon ng posibleng pandaraya o anomalya.  Ang mga dineklarang imbalidong balota ay kanila ring inusisa kung bakit hindi isinama. Marami sa mga balotang ito ay may mga pagkakamali sa paglalagay ng lagda sa di tamang lugar, balota na sinagutan ng di nito pagmamay-ari kundi sa iba, maling pagmamarka, nabasa na papel ng balota at iba pa.

Ayon sa panayam ng Ako ay Pilipino kay Consul General SUSAN NATIVIDAD, ang mababang bilang ng mga botante ay maidadahilan sa mga isyu sa Posta kung saan ay di nakarating ang marami sa mga balota sa tirahan ng mga botante, may mga lumipat ng bahay na di nag-update sa Konsulato, mayroon namang mali o di kumpleto ang pangalan o walang address na binigay nuong magparehistro, huli naman ang balota ng iba nung dumating sa kanilang tirahan kung kaya’t pinagpasiyahan nang huwag ipadala sa Posta dahil di na rin aabot sa takdang araw.  May iba rin naman na katulad ni ARLYN BALMAYO ng Bologna na para makasigurong darating nang tiyak ang kanyang balota ay bumayad ng 9.50 euro para ito maging registered mail. Mayroon ding nagpasiyang pumunta na sa Milano at bumoto dahil hindi natanggap ang kanilang mailing packet.

Ayon pa rin kay Consul General Natividad, pinahintulutan ng COMELEC ang Konsulato na magamit ang seafarer’s ballots bilang replacement ballot para sa mga botanteng di nakatanggap ng kanilang mga balota at piniling tumungo sa Konsulato para bumoto. Sa mga hindi nakaboto, may pagkakataon pa silang muli sa susunod na halalan nguni’t sisiguraduhing maiayos na muli ang Certified List of Voters (CLOV) at di sila ma-disenfranchised.

Sa mga kababayan nating nasa hospital o nasa kulungan, wala namang naging kahilingan upang sila ay makaboto dahil kung mayroon mang botante sa kanila ay ipagpapaalam ito ng Konsulato sa Comune at sila ay dadalhan doon ng balota upang masagutan.

Sa kabuuan, ang mga sitwasyong nabanggit ay pagbabasehan ng ulat ng Konsulato sa COMELEC  upang muling mapag-aralan at mapaglaanan ng solusyon . Ang kahilingan ng mga botante dito sa Italya na magkaroon ng pamamaraang bukod sa Postal Voting na para sa mga nasa malalayong lugar ay makaboto rin sila sa mga itinakdang voting centers sa mga malalaking siyudad o probinsiya na sakop ng mga rehiyon. Isang pamamaraan ay ang pagboto nila kasabay ng pagdaraos ng mobile consular service sa kanilang lugar.

Bawat halalan ay may kaakibat na responsibilidad mula sa mga botante at maging sa mga namamahala nito. Ang maidaos ito nang malinis, mapayapa at walang anumang anomalya ay hangarin ng bawat isa. Dahil ang anumang maging resulta nito ay may malaking epekto sa kinabukasan ng bayan at ng mga mamamayan nito, nasa Pilipinas man o nasa ibang bansa.

 

 

Dittz Centeno-De Jesus

Mga kuha ni:Chet De Castro Valencia

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

‘Assegno al Nucleo Familiare’ sa Comune, paano mag-aaplay?

PE Rome, ginawa ang makakaya para maraming makaboto sa mga huling araw ng Overseas Voting