“Famiglie e Giovani in Misione: Amati e Fortificati dalla Carita del Sto. Niño.”
Ipinagdiwang ng Filipino Catholic Community of Sto. Niño de Cebu, Milan Italy, ng Sto. Niño Cebuanos and Friends of Milan at Una moneta dal Cuore sa kanilang ika 25-taon, ang pista ng Sto Niño sa Milan, alinsabay sa pista ng poon ng mga tiga Cebu City.
Para sa kasalukuyang taon ang tema sa nasabing pagdiwang ay “Mga Pamilya at Kabataan sa Misyon, pinakamamahal at pinalakas ni Señor Santo Niño” na kung saan ito ay idinaos sa Parrocchia San Gabriel sa Via Termopili Milan.
Daan-daang mga deboto ni Sto. Niño ang dumalo. Hindi lamang mga Pilipino kundi mayroon ding ibang lahi na naniniwala sa mga himala ni Sto. Niño.
Bago pa ang misa ay nagkaroon ng prosesyon ng imahe ni Sto. Niño na kung saan umabot ng mahigit kumulang na dalawang oras na tinahak ng mga deboto ang mga pangunahing kalsada sa Milan. Sa tulong ng local police ng Milan at ang walang patid sa pagboboluntaryo hatid serbisyo ng ALPHA PHI OMEGA International Fraternity and Sorority “Leadership Friendship Service” ay kanilang naisa-ayos ang takbo ng prosesyon. Maging ang volunteers ng Sto. Niño, Milan Italy na nagpapalit-palitan sa pagbuhat sa imahe ng Santo.
Si aling Aida na dala-dala ang iba’t ibang imahe ni Sto Niño na nakalagay sa isang kahon na pag-aari niya at ng kanyang mga apo na pinaniniwalaan niya na laging magkakasama sa prosesyon upang manatiling buo ang kanilang pamilya .
“Panata ko kay Sto.Niño ay bigyan ako ng malakas na pangangatawan, kasaganahan ng pamumuhay, kalusugan ng buong pamilya”, wika ng OFW.
Si aling Juanita Lopez ang may bitbit na kaiibang Sto. Niño sa prosesyon. Ito ay nakasilid sa isang crystal at nakabalot ang imahe sa isang roba.
“Gumaling ang sakit ko at lahat ng mga kamag-anak ko”, ani Juanita, “Hiniling ko ito kay Sto. Niño.
Dagdag pa niya na ang Imahe ay pinasa sa kanya walong taon na ang nakakaraan matapos sumakabilang buhay ang tunay na may-ari nito.
Dagdag pa ng mga kasamahan nito ay mahigit kumulang 100 taon na ang Imaheng hawak ni Aling Juanita.
Kapansin-pansin sa prosesyon ang isang itim na Sto.Niño na hawak ng dalagitang si Missy.
“2 years ago ako po ay may dala nito galing sa amin sa Batangas at ikalawang taon na ring sumasama ako sa prosisyon ng mahal na Sto.Niño.” ani Missy.
Maliban sa prosesyon ng Mahal ng Poon, ang street dancers ay ang isa sa mga atraksyon sa nasabing pista. Si Ellen Gelig ang Reyna ng Sinulog 2019 sa Milan, kasama ang mahigit 20 street dancers.
Isa sa mga miyembro ng Milan sinulog street dancers ay ang maybahay ng PCG Milan Consul Manuel Mellejor na si Ginang Mer-Lines na sa unang pagkakataon ay nakasama sa street dancing sa Milan.
Naniniwala ang ginang sa himala ni Sto. Niño de Praga.
“Everytime na mayron akong foreign assignment, lagi ko siyang dala, dream come true, dahil nakapagsayaw ako sa Sinulog dito sa Milan. Noong bata pa ako ay sumasali din ako sa mga Fluvial parade sa lugar namin.” Ani Ginang Mer-Lines. Hiling niya kay Sto.Niño na magkaroon pa sila ng isang anak.
Bago nag-umpisa ang misa, ay pinasalamatan ni Rev. Father Alex Vavasori ang mga deboto sa muli nilang pagkakaisa upang ipagdiwang ang pista ng Sto.Niño at sa pagkakataon ito ay nagbigay si Rev Father Alex Vavasori ng maikling talumpati sa mga deboto sa wikang tagalog hinggil sa pagkakaisa ng mga Pilipino sa bansang Italy.
Pagkatapos ng Misa ay binasbasan ng Pari ang mga deboto maging ang mga imahe ni Sto.Niño at nagkaroon ng konting salu-salu na hinanda ng nasabing grupo sa para sa mga deboto at bisita.
Masayang nilisan ng mga ito ang sagradong lugar upang harapin muli ang panibagong bukas na inilaan ng Maykapal para sa mga kababayan natin.
Sa darating na Enero 27 ng taon kasalukuyan ay inaasahan sasali ang Milan sa Grand Sinulog 2019 na gaganapin sa Torino kung saan mahigit isang libong manlalahok mula sa ibat ibang filcom grous sa buong Europa.
Ang grand sinulog ay isinasagawa bawat dalawang taon.
Matatandaan na ang Sinulog 2017 ay ginanap sa Bassano del Grappa, Vicenza, Italy.
VIVA PIT SEñOR!!!!
Chet de Castro Valencia