Manila – Nahuli na ang isang dambuhala at mabangis na babaeng buwaya na kumain sa ulo ng dalawang taong gulang na kalabaw sa Brgy. New Era Bunawan, Agusan del Sur.
Sa pahayag ni Bunawan Mayor Edwin Elorde, isang giant crocodile ang nahuli ng kanyang team kasama ang mga eskperto mula sa Palawan area.
Batay sa paglalarawan ni Elorde, may taas na 20 talampakan at 3.5 talampakan ang lapad ng likurang bahagi ng naturang buwaya.
Sa tantiya naman ng mga eksperto, isa ng senior citizen ang nasabing buwaya dahil may edad na itong 60-anyos.
Ito ang isa sa pinakamalaking buwaya na nahuli nang buhay sa Pilipinas.
Ayon kay Elorde, nasaksihan ng mga residente kung paanong pinatay ng nasabing buwaya ang isang buffalo nang umatake ito noong nakaraang buwan.
Ang naturang buwaya rin ang hinihinalang umatake sa isang mangingisda na nawawala simula pa noong buwan ng Hulyo.
Sinabi ni Elorde na kanilang ilalagay ang buwaya sa isang tourism park.
Inaasahan naman na magwawala ang isa pang lalaking buwaya matapos mahuli ang kanyang asawa.
Kung maaalala, parang bolang pinagpasahan ng mag-asawang buwaya ang kalabaw kung saan pinugutan ito ng leeg.