in

Ikalawang investment grade rating tinanggap ng Pilipinas

Mayo 2, 2013 – Sa ikalawang pagkakataon ay muling tumanggap ng investment grade rating ang Pilipinas ngayong taon. 

Mula sa BB+  na may "positive outlook", iniangat ng Standard & Poor ang credit rating ng bansa sa BBB.

Ayon kay Agost Bernard, ang Standard & Poor credit analyst, pinagkalooban ng upgrade ang Pilipinas dahil diumano sa papalakas na external profile ng bansa, bahagyang paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin at bumababang pagdepende ng gobyerno sa foreign currency debt.

Parehong pinuri ang pamamalakad ng nakalipas at kasalukuyang administrasyon sa mga opisyal na pahayag ng S&P.

Binanggit din na inaasahan na magpapatuloy ang pagpasok ng remittance mula sa mga manggagawang Pilipino sa labas ng bansa at paglago ng industriya ng business process outsourcing (BPO).

Ngunit ang mababang GDP ng bansa na nangangailangang tutukan ang pagpapalago ng imprastraktura at ang batas na naglilimita sa foreign ownership ang mga diumano’y hadlang, ayon pa sa S&P.

Matatandaang,  nitong Marso ay tinanggap ng Pilipinas ang kauna-unahang investment grade mula naman sa Fitch Ratings.

Sinasabing sa pamamagitan ng pag-akyat ng Pilipinas sa investment grade rating, ay magpapatuloy ang  pagdami ng mga investors sa bansa na siya namang maglulunsad ng mas maraming trabaho at oportunidad sa pagnenegosyo.

Sa pahayag na inilabas ni Finance Secretary Cesar Purisima, ipinagmalaki nitong patunay ang panibagong investment grade rating sa paglago ng ekonomiya ng bansa na ngayo'y pumapantay na sa mga bansang patuloy na umaangat.

Nangako si Purisima na patuloy na tututukan ng pamahalaan ang pagpapaunlad ng imprastraktura sa bansa, paglikha ng mas malaking fiscal space para suportahan ang social investments at patuloy na pagbubukas ng ekonomiya.

Ayon naman kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, patunay ang panibagong investment grade rating sa Tuwid na Daan na isinusulong ng Pangulo.

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

BUMOTO AT MAKILAHOK SA ATING HALALAN

“Tanggalin ang mga imigrante sa pabahay at day care”