Abril 6, 2012 – Pinaghahanda ng Pangulong Benigno Aquino III ang mga ahensya ng gobyerno sa pinaplanong missile rocket launch ng North Korea (Nokor) sa pagitan ng Abril 12-16. Kabilang dito ang paglilikas sa mga naninirahan sa baybaying bahagi ng Aurora na maaaring abutin ng babagsakan ng debris nito.
Ayon pa sa Pangulo, kailanganing isipin maging ang “worst case scenario”. Kaugnay dito, inatasan ng Pangulo ang Office of the Civil Defense (OCD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na pag-aralan na ang mga contingency measures. Hiniling din ng Pangulo na huwag gawing tila pananakot ang pagbabalita sa pagbagsak ng debris ng rocket upang hindi matakot at mag-panic ang mga resident eng nmasabing lugar.
Sa harap naman ng mga head of state ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), inamin mismo ng Pangulo na lumilikha ng tensyon sa rehiyon ang patuloy na pagpapakawala ng missile rocket ng Democratic People’s Republic of Korea (DPRK) na isang malinaw na paglabag sa Resolution Nos. 1718 at 1874 ng United Nations Security Council (UNSC).
Samantala, pinayuhan naman ni Vice President Jejomar Binay ang mga kababayan sa natukoy na mga bahagi ng Northern Luzon at Bicol region na mag-ingat at kung maaari ay umiwas munang mamalagi sa kanilang lugar sa panahon ng missile rocket launch.
Nag-isyu na rin ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ng Notice to Airmen (Notam) ukol sa pagsasara ng airways A582, A590 at R597 para sa mga overfly aircraft at ang mga eroplanong patungo sa Manila sa darating na Abril 12 (5am) hanggang Abril 16 (1pm).
Ayon kay CAAP Director General Ramon Gutierrez, ang mga apektadong airways ay palaging ginagamit ng Korean Air, Japan Airlines, Singapore Ailines, All Nippon, Garuda Indonesia at ng Philippine Airlines.
Aminado ang Administrasyon na isang malaking kakulangan mula sa pamahalaan ang kawalan ng gamit at kakayahan para ma-detect ang direksyon ng missile rocket at aasa na lamang sa tulong ng ibang mayayamang bansa upang maging mata ang mga ito. Ibayong paghahanda na lamang ang ginagawa ng Administrasyon bilang prebensyon sa maaaring maging resulta nito