in

1 day basketball league “for a cause”, idinaos sa Roma

Sa kauna-unahang pagkakataon ay idinaos ang 1 day basketball league “for a cause” sa San Isidro Labrador Community Laurentina Roma nuong unang araw ng Hulyo 2018 sa basketball court ng Parokya ni San Vigilio. Ang samahan ng San Isidro Labrador ay binubuo ng mga Mindorinians, mga ka-anak at mga kaibigan.

Pinamunuan ni Sonny Inocencio ang palaro at nakipagtulungan ang Guardians Emigrant Rome City Legion na pinangunahan nina Teddy Evangelista (Founder Amor) at Tony Hernandez (Founder Falcon). Nakiisa din ang mga bumubuo ng Komunidad ng San Isidro Labrador Laurentina para sa ikaaayos at ikasasaya ng palaro.

Hindi ang katirikan ng araw at init ng panahon ang nakapigil sa mga manlalaro at manunuod bagkus nagmistulang isang pyesta ang liga ng basketball sa dami ng mga lumahok at mga nanuod. Punung-puno ng mga pagkain ang mga mesa at sa mainit na panahon ay ayos na ayos ang halu-halo, malamig na melon, gulaman at mga nagyeyelong mga inumin.

Nagbigay ng maikling pananalita si Don Alfeo Tirro, ang Kura Paroko ng Parokya ni San Vigilio. Basbas at bendisyon ang inialay nya sa mga koponan at mga manlalaro. Nagpasalamat din sya sa komunidad ng mga Pilipino at napuno daw ng saya at pananampalataya ang kanilang Parokya.

Anim na koponan ang nagbigay ng suporta sa palaro. Hinati sa dalawang grupo at naglaban sa “championship” ang dalawang nanguna sa bawat grupo. Nakamit ng San Isidro Labrador team ang tropeo ng talunin nila ang Locloc Team na masasabing nanalo naman sa dami at lakas ng pwersa ng mga “cheerers” (miron) na lalong nagpasaya ng laban. Pangatlo naman ang Lourdes Team, pang-apat ang Guardians Emigrant at binigyan ng tropeo ang panglima at pang anim na kalahok, ang Sabado Team at Malaya Warriors. Si Jonjon Manalo ang MVP at sina John Yuson, Laxamana, Nico Abante, Casapao at Wilson Umali naman ang Mythical 5. Si Kristine Mae Macalintal Negranza ng Team Locloc ang Best Muse at si Roosebelt Manalo naman ng champion team ang Best Coach.

Nagpasalamat din ang si Madam Luisa Cultura, ang Pangulo ng Samahan ng San Isidro Labrador sa lahat ng mga Team Managers, sa mga manlalaro, sa mga nagbigay ng mga tropeo at sa lahat ng mga sumuporta sa palaro. Nakalikom ang palaro ng halagang itutulong sa mga kabataan at sa mga mag-aaral sa Mindoro. Ito ay isasagawa ng Samahan ng San Isidro Labrador at ng Guardians Emigrant Rome City Legion.

Isa pang ulit para masaya, tuwang tuwa ang aming mga players at sulit daw. Hanggat gusto sa loob ay walang lalabas. Alaaay may pakain na e may painom pa. Sana ay maulit” ang komento ni Pauljoanes ng Malaya Warriors

Umaasa ang mga Managers at mga manlalaro na masusundan muli ito at nangako naman ang mga “organizers” na paghahandaan nila ang susunod na salpukan.

 

 

Teddy Perez

 

 

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Pinoy na nanggahasa sa dating asawa, arestado sa Roma

Contributi Inps ng mga colf, nanganganib ng pagtaas dahil sa Decreto Dignità