Natuklasan na pagpapautang ang kanyang second job. Mula 60% hanggang 180% ang interes kada taon. Investment fund na nagkakahalaga ng 1 milyong euros kinumpiska ng awtoridad.
Roma, Oktubre 17, 2014 – Isang grupo ng mga Pilipino ang natuklasang pang-gigipit sa kapwa ang part-time. Ito ang ibinalita ilang araw na ang nakakaraan ng Il Messaggero.
Ayon sa report, kilala umano sa pangalang ‘Gigi’, isang caretaker sa Via Ripetta ang mananagot sa Procura di Roma, kasama ang limang iba pang mga Pilipino dahil natuklasang nagpapautang at tumatanggap ng mga lupa, bahay at ari-arian sa Pilipinas bilang kabayaran.
Sa mga nagigipit at maaaring kahit sa patalim ay kumakapit, isang kundisyon ang kapalit. Sa 2500,00 euros na inutang, kada buwan ay magbabayad ng 125 euros bilang tubo hangga’t hindi pa kayang ibigay ang kapital na karaniwang umaabot na sa 5,000 euros. Ang mga biktima ay halos lahat mga Pilipino at may ilang Italyano na rin.
Mababasa pa rin sa report na ikinagulat ng mga awtoridad ng Casilina ang kanilang natagpuan sa tahanan ng Pinay sa ginawang raid sa ilalim ng pag-uutos ng procura. Si 'Gigi' ay alam kung saan ilalagay ang kanyang mga nalikom na pera. Natagpuan ng awtoridad ang mga papels ng kanyang investment fund, isang bank account sa BNL na may halagang 350,000 at isa pang bank account sa may halagang 512,000 euros bukod pa sa account nito sa Rural bank of Geroma.
“Batay sa mga natuklasan ay kailangang mapatunayan ng Pilipina ang naging dahilan at paraan ng pagkakaroon ng ganoong kalaking halaga sa ilang bangko kumpara sa kanyang trabaho bilang caretaker ng isang condominium. Ito ay nagpapahiwatig lamang na nagbuhat ang lahat ng ito sa hindi lehitimong paraan”, ayon sa pahayag ng hukom.
Bukod dito, may isang matibay pang ebidensya ang natagpuan ng mga awtoridad: mga kopya ng dokumento tulad ng carta d’identità at permesso di soggiorno kung saan nasusulat ang pagtanggap ng pera bilang utang at minsan ay kasama pati ang kwenta. Sa katunayan, may kasulatan pa sa ilan, kung saan mababasa ang paglilipat ng pangalan sa nagpautang ng apartment ng biktima sa Pilipinas kung sakaling di ito makakabayad.
Ayon pa rin sa mga report, pagbabanta umano ang kapalit kung nale-late ang kababayan sa paghuhulog. Isang wiretapping ang nagpapatunay sa pananakot na ito: “Mura lamang ang buhay. Pwede kong saktan ang iyong pamilya sa Pilipinas”.
Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]