Naging panauhing pandangal ang datingVice President Noli de Castro sa pagdiriwang ng ika-112th anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas sa Milan.
Bukod kay De Castro, nakisaya at nakiisa din sa selebrasyon si Assesore alla Famiglia, Scuola e Politiche Sociale Mariolina Maioli. Si Maioli ang ipinadala ni Milan City Mayor Letizia Moratti upang ipaabot ang mainit na pagbati at pakiki-isa sa pagdiriwang ng mga Pilipino sa ika-112 taong anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas.
Pinuri din nin Moratti sa kanyang mensahe ang mga Pinoy dito sa Milan sa pagiging masipag, matiyaga at kooperasyon nito.
Sa kanya namang mensahe sa mga OFW dito sa Milan, pinuri naman ni De Castro ang mga Pinoy sa pagkakaisa ng mga ito at nagpasalamat sa mainit na pagtanggap ng mga taga- Milano.
Ipinaliwanag din ni De Castro ang kahalagahan ng pagiging miyembro ng Pag-ibig Fund. Tinuran nito ang mga pakinabang na makukuha umano ng mga Pinoy kapag naging miyembro ng Pag-Ibig. Matatandaan na ipinatupad na nitong Enero ng kasalukuyang taon ang Republic Act 9679 o ang mandatory membership sa Pag-Ibig.
Kasama ni De Castro ang iba pang matataas na opisyal ng Pag-Ibig na nagtungo sa Milan para sa housing fair upang hikayatin ang mga OFW na paghandaan ang kanilang kinabukasan sa pamamagitan ng pagbili ng bahay at lupa.
Bukod sa iba’t ibang Filipino Communities, lumahok din sa pagdiriwang ang iba’t ibang business entities Pinoy man o dayuhan.
At gaya ng nakaugalian, isang cultural show ang ginanap matapos ang mahabang parade at sinundan ito ng TFC-sponsored show kung saan pinatili nina Randy Santiago at Jake Cuenca ang maraming Pinoy. (zbaron)