Isang malaking operasyon laban sa droga ang ikinasa ng mga carabinieri sa Roma kaninang madaling araw, ika-12 ng buwan ng disyembre 2018 kung saan isang “big time” criminal organization ang nahulog sa bitag ng mga kapulisan ng Roma Capitale. Apatnapu’t pito ang naaresto dahil sa pagbebenta ng iba’t-ibang uri ng ipinagbabawal na gamot. Sa kabuuang bilang na ito ay sangkot ang labingpitong Pinoy na natimbog kaninang madaling araw kasama ang ilang mga italyano at isang nigerian national.
Sa pakikipagtulungan ng mga carabinieri Gruppo di Roma at ng Compagnia di Viterbo, ang mga carabinieri ng Compagnia Roma Centro ay nagkasa ng isang raid sa bisa ng search warrant ng inisyu ng GIP ng Tribunale di Roma. Ang ikinasang malawakang operasyon ay bunga ng masusing imbestigasyon at surveillance na sinimulan limang buwan na ang nakakaraan sa utos ng Procura della Repubblica di Roma-Gruppo Reati Gravi contro il patrimonio e stupefacenti.
Ang mahabang imbestigasyon ay sinimulan ng isang special team ng Carabinieri della Stazione Roma Piazza Farnese. Matapos makaipon ng mga malalakas na ebidensya at makakauha ng search warrant ay isinagawa ang nasabing “blitz“. Nakumpiska ang nasa 360 gramong shabu na maaaring ma-repack sa 3,600 na sachets at magkakahalaga ng halos €180,000. Nakuha rin ang ilan pang uri ng ipinagbabawal na gamot tulad ng cocaina, speed, hashish, at marijuana at aabot sa €11,000 cash na pinaghihinalaang mula sa mga pinagbentahan ng droga, pati na rin ang ilang drug paraphernalias.
Ayon sa mga awtoridad, nakakaalarma na ang mabilis na pagkalat ng delikadong drogang ito na kumakalat sa mga komunidad ng mga colf at mga badante na wari pang ang trabaho bilang COLF ay ginagawa na lamang na isang front. Ang mga gamot na ito ay nakakalat na lamang sa lansangan na parang hindi maubos-ubos. At ang nakapagtataka pa ay habang mas nagiging mahigpit ang mga pulis sa pagsisiyasat at sa dami ng mga operasyon laban sa droga ay mas lalo naman ang dagsa ng mga droga sa mga komunidad ng mga migrantes.
Dahil sa positibong risulta ng mga operasyon na isinagawa ng mga kapulisan ay mas lalo nilang paiigtingin ang kanilang kampanya laban sa bawal na gamot at marahil ay tugisin ang mga malalaking sindikatong nasa likod ng drug market na ito.
Napansin din nga mga awtoridad na mas dumadami ang sangkot na mge menor na edad sa kalakalan ng bawal na gamot. Kadalasan umanong ginagamit ang mga kabataan bilang front o mga runner sa katuwirang mahuli man ang mga ito ay hindi rin naman maikukulong kundi ilalagak lamang sa mga social welfare centers at malaki ang tiyansang makalabas agad.
Kung pagsasama-samahin ang lahat na nasamsam na shabu sa halos araw-araw na operasyon laban sa droga ay may malaking katanungan ang mga awtoridad: saan nangagaling ang mga ito at paano naipupuslit?
Pangako ng mga kapulisan na hindi nila titigilan ang mga isinasagawang operasyon laban sa droga at hindi tatantanan ang pagtugis sa mga sindikatong nasa likod ng lahat ng ito hanggang sa unti-unti itong masupil.
Quintin Kentz Cavite Jr.