Wala pa ring tigil ang pagtugis ng mga awtoridad ng italya sa mga taong sangkot sa ipinagbabawal na gamot. Ito ay kaugnay ng kanilang mga operasyon laban sa droga sa buong teritoryo nasyonal. Kabilang sa mga inaresto kahapon, ika 10 ng hunyo, ang isang 27 taong gulang na intsik at dalawang pinoy, isang lalake na 37 taong gulang at isang babae na may edad na 36.
Batay sa mga report, ang mga pulis ay nagkaroon ng normal na pagkontrol sa mga motorista sa circolazione stradale sa Via Torrevecchia sa Roma. Pagdating sa mga sangkot ay napaghalataan kaagad ng kakaibang kilos ang mga nasabing suspek. Hindi mapakali ang mga ito at wari bang mga balisa at pawisan sa nerbyos. Dahil sa mga senyales na ito na hindi na bago sa mga pulis ay nagdesisyon silang mas masusing inspeksyunin ang sasakyan ng mga ito.
Dito nila natagpuan ang 70 sachets ng shabu na nakatago sa iba’t-ibang compartment ng kotse. Dahil dito ang tatlong suspek ay agad na inaresto ng mga militar ng Nucleo Operativo ng Roma Centro Company na nagsasagawa ng mga operasyon laban sa mga drug pushers. Hindi nagtapos dito ang episodyo ng pagkontrol ng mga carabinieri.
Kanila ring pinuntahan at ininspeksyon ang lugar sa Trastevere kung saan nakatira ang 2 sa mga nahuli. Dito nila nakita ang 370 pakete ng shabu na nakahanda ng ibenta pati na rin ang mga paraphernalia na ginagamit sa pagbabalot at pagkilo ng ipinagbabawal na gamot.
Sa tindahan naman ng intsik sa Via Baldo degli Ubaldi ay natagapuan ang iba pang mga materyales na gamit sa pagdudurog ng droga at iba pang mga kagamitan na may kaugnayan pa rin sa shabu na kung tawagin dito sa italya ay “droga ng mga zombie” dahil na rin sa malakas na epekto nito sa mga gumagamit. Nahalungkat din ang isang baril na pagmamayari ng intsik.
Ang pinay na nahuli ay pansamantalang nakakulong samantalang ang pinoy at ang chinese national naman ay under house arrest at “obbligo di firma” habang naghihintay ng desisyon ng hukuman.
Quintin Kentz Cavite Jr.