Sa unti-unting pagbubukas ng Italya at pagluwag sa mga restriksyon ay mas pinaigting naman ang kampanya laban sa kriminalidad. Ang mga malimit na bisitahin ng mga alagad ng batas ay ang mga lugar na maraming tao. Makikita sa mga araw na ito ang mga pulis sa harap ng mga paaralan, mga pamilihan, at mga bus stops at metropolitana.
Sa Parma ay naging mapagmatyag ang mga awtoridad sa kanilang pagsuyod sa nasasakupang lugar. Maliban sa mga patrol ay makikita rin ang ilang teams na may dalang mga trained dogs. Ang unita’ cinofila ay malaking tulong upang mabilis matunton ang mga bawal na gamot, mga nakatagong armas at mga nawawalang tao.
Sa pagpapatrol ng mga kapulisan kaninang umaga ay nakasalubong ang mga ito ang dalawang lalaking hingal sa katatakbo. Inereklamo ng mga ito ang isang lalaking nang-agaw umano ng cellphone sa via Massimo D’Azeglio.
Agad na tinahak ng mga pulis ang direksyon na itinuro ng mga ito at natanaw ang suspek na sumakay ng bus. Sa pagpara ng mga awtoridad ay tumigil ang bus at kapansin-pansin ang binatilyong balisa at umiiwas sa mga pulis. Tinangkang tumakas ng suspek, ngunit nakaabang na ang mga pulis sa exit ng bus.
Narekober sa 20-anyos ang ninakaw na cellphone at agad na naibalik sa mayari nito. Base sa mga dokumento ng suspek ay napag-alamang ito ay isang pilipino. Sa isinagawang test naman ay lumabas na ang suspek ay positibo sa ipinagbabawal na gamot. Ito marahil ang dahilan kung bakit nanginginig ito nang mahuli ng mga alagad ng batas. Dinala sa police headquarters ang suspek na residente sa Parma. Nahaharap ito sa kasong pagnanakaw at panlalaban sa police officer. (Quintin Kentz Cavite Jr.)