in

2017 Flows Decree Orientation and Apprenticeship Program, dinaluhan ng FilCom sa Roma

Layunin ng orientation program ang makapagbigay ng mahahalaga at tamang impormasyon sa komunidad at makaiwas sa anumang panloloko at huwad na pangako sa pamamagitan ng kasalukuyang dekreto.

 

Roma, Abril 5, 2017 – Sa ilalim ng Para Legal & Welfare Services Caravan ng Philippine Overseas Labor Office POLO Rome ay nagkaroon ng 2017 Flows Decree and Apprenticeship Program Orientation. Ito ay sa pakikipagtulungan ng Philippine Embassy sa Roma sa pamamagitan ni Consul General Bernie Candolada at ng Socio-Cultural Committee ng Santa Pudenziana. Mga panauhin naman ang ANPAL Servizi (ang dating Italia Lavoro) at Ministry of Labor and Social Policies. Layunin ng orientation program, sa pangunguna ng Labor Attaché Ponciano Ligutom ang makapagbigay ng mahahalaga at tamang impormasyon sa komunidad at makaiwas sa anumang panloloko at huwad na pangako sa pamamagitan ng kasalukuyang dekreto.

Dinaluhan ng Filipino community at mga indibidwal ang nasabing orientation upang direktang mapakinggan mula sa kinatawan ng Ministry of Labor na si Dott.ssa Isabella Pugliese ang pagpapaliwanag ukol sa kasisimula pa lamang na Decreto flussi 2017. Partikular, hangarin rin ng mga dumalo ang personal na maidulog ang mga katanungang tila hindi mabigyan ng mga nais at inaasahang kasagutan.

Una sa lahat, binigyang-diin ng panauhin na ang bilang o quota ng mga non-Europeans na pinahihintulutang regular na makapasok sa bansang Italya para mag-trabaho ang inilulunsad taun-taon ng Adminsitrasyon (Foreign Affairs, Interior, Labor at Social Policies) sa pamamagitan ng dekreto ng President of the Council of Ministers na tinatawag na “decreto flussi”. Ito umano ay matapos mailahad ng Provincial Labour Office (DTL) ang pangangailangan sa manpower ng bansa matapos ang isang konsultasyon, kung saan tinatalakay din ang bilang at ang lugar kung saan higit na nangangailangan nito. Batay sa mga nabanggit, ay inilulunsad ang decreto flussi na nagpapahintulot, tulad ngayong taon sa bilang o quota na 30,850 (13,850 non-seasonal quota at 17,000 para sa seasonal job). Ang aplikasyon ay ipapadala online sa website ng Ministry of Interior.

Partikular, binigyang-diin ng panauhin ang mga pagbabagong napapaloob sa dekreto ngayong taon. Kabilang dito ang kahalagahan ng multy-entry authorization o ang nulla osta pluriennale, ang sistema ng conversion ng permit to stay mula seasonal sa subordinate, ang silenzio-assenso at ang releasing ng e-nulla osta.

Sinundan ito ng pinakahihintay na Q & A ng mga dumalo.

Ang ilan sa mga kadalasang katanungan na tanging ang panauhin lamang buhat sa Ministry of Labor ang makakapagbigay ng kasagutan ang inilahad ng mga dumalo. Narito ang ilan:

1) Ang decreto flussi ay taun-taon inilalabas ng Administrasyon. Paano na ang mga aplikasyon sa mga nakaraang taon na hindi kahit kailan nabigyan ng tugon?

Ang lumalabas na decreto flussi ay karaniwang stagionale o seasonal. Ito ay upang matugunan ang pangangailangan sa sektor ng agrikultura ng taon kung kailan ito inilabas. Nangangahulugan lamang na ang mga aplikasyon sa nakaraan na hindi nabigyang tugon ay hindi na maisasaalang-alang pa. At kung ang employer ay nananatiling nangangailangan pa ng seasonal worker, batay sa mga pagbabagong napapaloob sa flussi 2017, ay maaaring muling magsumite ng aplikasyon.

2) Ano ang tinutukoy na sektor ng turistico-alberghiere na napapaloob sa decreto flussi 2017?

Ito ay tumutukoy sa anumang hotel o albergo na makakatugon sa contratto collettivo o aziendale sa pagsusumite ng aplikasyon para sa nulla osta al lavoro.

3) Ang nulla osta stagionale, sa kasong positibo ang aplikasyon ay ipina- aalam sa employer at direktang ipinadadala sa Italian consulate sa sariling bansa ng seasonal worker. Ano ang dapat na ipakitang dokumentasyon ng mga Pilipino sa POLO Italy para sa ‘verification’ bago ito tuluyang dalhin sa POEA sa Pilipinas?

Ito ay ginawang e-nulla osta o ipinapadalang direkta sa konsulado ng Italya sa sariling bansa upang maiwasang gayahin o gawing palsipikado. Kung anuman ang dapat ipakita ng mga Pilipino sa tanggapan ng POLO Italy na dapat sumailalim sa tinatawag na ‘verification’ ay hindi namin saklaw.

Naging mayaman ang palitan ng mga impormasyon sa pagitan ng panauhin, ng Embahada at Polo Rome at ng Filcom sa maikling panahong inilaan para sa orientation. Gayunpaman, inaasahan na ang bawat impormasyon ay pagyamanin at ibahagi sa buong komunidad.

 

PGA

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

April 10, ang due date ng first quarter payment sa contributi Inps ng mga colf

Mga dapat malaman ukol sa Decreto Flussi 2017