Isang trahedya ang yumanig sa Roma matapos matagpuan ang bangkay ng 22-anyos na si Ilaria Sula, isang Albanian origin, sa isang liblib na lugar sa bayan ng Poli sa boob ng isang maleta. Ang kanyang dating nobyo, si Mark Antony Samson, 23-anyos na Pinoy, ay inaresto bilang pangunahing suspek sa pagpatay.
Ayon sa mga report, matapos ang masinsinang imbestigasyon ng pulisya, inamin ni Mark ang krimen at itinuro sa pulisya kung saang bangin niya itinapon ang maletang kinaroroonan ng bangkay ni Ilaria.
Sa huling ulat, lumalabas na ang mga magulang ni Mark ay nasa bahay ng mangyari ang krimen, gabi ng March 25. Sila ay dinala din sa presinto para sa imbestigasyon.
Bukod dito, ang binata ay hindi rin umano sumagot sa anumang tanong ng pubblico ministero bagkus ay sinabing isinakay ang bangkay sa isang sasakyan, inilagay sa isang maleta at itinapon ito sa bangin. Ang kutsilyong ginamit ay itinapon sa isang basurahan sa Montesacro at ang cellular phone ng biktima ay itinapon naman sa isang manhole. Hindi rin umano nagbigay ng anumang detalye si Mark tungkol sa nangyari o ang motibo sa pagpatay kay Sula.
Bagkus ay sinubukan ng 23-anyos na iligaw ang mga awtoridad. Ginamit niya ang cellphone ng biktima upang magpadala ng mga mensahe at mag-post bago burahin ang kanyang mga social media account, na nagging kahina-hinala sa mga kaibigan ng biktima. Hindi lang iyon—pumunta rin siya sa boarding house na tinitirhan ng dalaga at nagpanggap na nag-aalala sa pagkawala nito at nagtatanong kung saan maaaring matagpuan ito.
Marami ang nabigla at hindi makapaniwala sa pangyayari. Inilarawan si Mark ng mga nakakakilala sa kanya bilang isang tahimik at mabait na binata, at ito ay kinumpirma ng kanyang tiyuhin sa isang TV interview.
“Isa syang mabait na bata at hindi ko akalain na makakagawa sya ng krimeng ito”, aniya.
Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang tunay na motibo sa pagpatay. Ayon pa sa mga report, ang mga magulang ni Mark ay dinala rin sa presinto para sa imbestigasyon.
Si Mark Antony Samson, ay nagtapos kamakailan ng kursong Architecture at nagtrabaho sa isang branch ng McDonald’s sa Roma.
Ang kasong ito ay nagdulot ng matinding lungkot at pagkabigla sa buong filipino community sa Roma at buong Italya, lalo na sa mga kakilala ni Ilaria at ng pamilyang Samson. (article updated)