in

23 anyos na Pinoy, patay matapos masagasaan sa Milano

Patay ang isang 23 anyos na pinoy matapos itong masagasaan ng isang Hyundai SUV habang naghihintay ng bus sa Nuova Vigevanese a Corsico, sa ilalim ng Ponte di via della liberazione sa Milano, araw ng Miyerkoles bandang alas tres y media ng hapon, ika-12 ng buwan ng disyembre taong kasalukuyan.

Kinilala ang biktima na si Angelo Delas Alas na nagtamo ng matinding pinsala sa katawan at trauma sa ulo. Binawian ng buhay ang biktima sa Niguarda hospital araw ng huwebes ika-13 ng disyembre 2018 matapos ang isang gabing pamamalagi nito sa intensive care unit o ICU.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, nagaabang ng bus ang biktima nang masagasaan ito ng isang SUV na minamaneho ng isang 26 anyos na basketbolista ng Seria B dito sa Italya. Ayon sa mga nakasaksi sa trahedya hindi umano halos nakaapak sa preno ang nasabing drayber na tuloy tuloy na umararo sa mga nakatayo sa nabanggit na bus stop. Matapos makasagasa ng tatlong commuters ay dumiretso pa ang sasakyan na bumangga sa isang poste ng road sign at poste ng ilaw na hila-hila pa nito hanggang sa paghinto. Saka lamang umano tumigil ang takbo ng sasakyan ng ito ay bumangga sa dalawang kotse na nakaparada. Depensa ng nakasagasa na wala halos tinamong pinsala sa katawan: “Nakatulog ako at wala ako halos alam sa mga nangyari”.

Maliban sa biktima ay mayroon dalawa pang sugatan na parehong may edad na 16 anyos. Ang isa ay naka-confine sa San Carlo hospital na nangangailangang magpahinga ng 90 araw bago makarekober habang ang isa pa ay nasa terapia intensiva sa Humanitas hospital na may mga pinsala sa may balakang.

Hawak ng mga awtoridad ang drayber ng nasabing sasakyan na posibleng maharap sa kasong reckless imprudence resulting in vehicular homicide. Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon. Nais alamin ng mga carabinieri kung ang nagmamaneho ay gumagamit ng cellphone nang mangyari ang aksidente.

 

Quintn Kentz Cavite Jr.

Click to rate this post!
[Total: 0 Average: 0]

Black Squadron, 2nd place sa Karate World Cup 2018

Zumba Battle II, grupo ng mga Mommies, nagpasiklaban!