Isang 26-anyos na Pinay ang binawian ng buhay matapos itong atakihin sa puso habang sakay ng tren papuntang Bergamo. Ang biktima ay napag-alamang residente sa Milano.
Lunes, bandang alas 7:22 ng umaga, ika-29 ng Hulyo taong kasalukuyan nang kunin ng Pilipina ang Trenord sa Milano Porta Garibaldi patungo sa Bergamo. Nang ang treno ay nasa bandang Pioltello na ay bigla umanong sinamaan ng pakiramdam ang pasaherong Pinay. Matinding paninikip ng dibdib at hirap sa paghinga ang mga senyales na nakita ng mga katabi nito sa tren. Agad na nakahingi ng saklolo ang mga kasamang pasahero at inabisohan ang capotreno. Mabilis ang naging tugon ng emergency units. Sa parte ng Verdello- Dalmine station ay nakaabang na ang rescue team at agad na isinugod ang pasyente sa Policlinico di Zingonia.
Kasabay ng mabilis na takbo ng ambulansya at tunog ng sirena nito ay ang agarang paglapat ng pangunang lunas mula sa doktor ng automedica. Patuloy ang maneuver hanggang sa makarating ang pasyente sa ospital. Nang makita ng mga doctor ang bigat ng sitwasyon ay humingi ang mga ito ng interbento ng elisoccorso na nagdala sa agaw-buhay na pasyente sa Civile di Brescia hospital. Ginawa ng mga espesyalista ang lahat na kanilang makakaya upang mailigtas ang pinay ngunit anim na oras ang makalipas, sumuko ang katawan nito at tuluyang nalagutan ng hininga. Pinahintulutan naman ng mga kapamilya ng nasawi ang pagdonate ng mga organs.
Quintin Kentz Cavite Jr.