Mabilis na kumalat sa isang komunidad ng mga pilipino ang isa na namang magulong eksena sangkot ang isang 40-anyos na pinoy na nagwala sa Parma dahil sa droga.
Linggo ng araw ng mga puso nang makatanggap ang 113 ng isang reklamo at paghingi ng saklolo ang isang babae. Ayon sa boses ng nasa kabilang linya ay hindi umano mapigilan ang pagwawala ng kasamahan sa bahay. Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang patrol at agad na pinuntahan ang address na ibinigay ng babae. Dito lamang nila nalaman na ang tumawag ay mismong ina ng inireklamo.
Pagkapasok pa lamang ng mga pulis ay pinagmunura na ito ng pinoy at naging mas marahas. Pilit na ipinagtatabuyan ang mga alagad ng batas. Sinubukang kausapin ng maayos, ngunit ayaw makinig at nagsimulang manipa at manuntok ito. Hanggang sa magsimulang maghagis ng anumang bagay na madampot sa kusina. Upang maiwasan na malagay sa panganib ang buhay ng lahat ay agad na umaksyon ang mga pulis. Maaari umanong makadampot ng kutsilyo ang nag-aamok at masaktan ang sarili at ang ibang tao.
Sa tulong ng pepper spray ay naneutralize ang pinoy at agad na inaresto. Kilala na umano ng mga pulis ang lalake dahil sa mga reklamong may kinalaman sa ipinagbabawal na gamot.
Sinampahan ng kasong “resistance and disobedience to public officials” ang pinoy. (Quintin Kentz Cavite Jr.)