Arestado ang isang umano’y drug pusher sa isinagawang anti-drug operation ng mga Carabinieri del Nucleo Operativo della Compagnia Roma Centro matapos itong maaktuhan ng mga awtoridad na nagbebenta ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon sa mga pulis, kanila umanong ikinaalarma ang nakalap na balitang may mga nagtutulak ng droga sa isang partikular na lugar sa Roma kung kaya’t ikinasa nila ang isang operasyon. Sa isinagawang pagroronda ng operatiba ay kanilang namataan ang kahina-hinalang kilos ng suspek na agad nilang nilapitan.
Nang sitahin at kapkapan ito ng mga alagad ng batas ay kanilang nadiskubre na ito ay nagbebenta ng shabu sa Via Alvaro del Portillo sa Roma. Ang suspek na napagalamang residente sa Spinaceto ay nakunan ng isang maliit na balot ng shabu na kanya na sanang iaabot sa kanyang kliyente nang pumasok sa eksena ang mga ahente ng pulisya.
Nagpatuloy ang imbestigasyon sa bahay ng lalake at nang halughugin ang ilang parte ng bahay ay tumambad ang iba pang supply ng droga na umaabot sa halos 228 dosis na nakahanda ng ipamahagi sa mga kliyente nito, kasama ang 200 euro cash na pinaghihinalaang mula sa napagbentahan ng droga. Sa mas masusi pang pagsisiyasat ay nadiskubre rin ng mga imbestigador ang isang logbook at lista ng mga pinagbentahan ng droga pati mga petsa at lugar ng delivery na maingat na nakatago sa isang bookshelf kasama ang mga resibo ng mga bills sa bahay na parang isang nomal na lista lamang kasama ng mga iba pang household expenses. Nakuha rin ang ilan pang supot ng marijuana at maliit na timbangan ng droga.
Kasalukuyan ng inihahanda ng mga awtoridad ang reklamo at kasong isasampa laban sa laban sa suspek. Samantala, ang nahuling parokyano ay nakablotter na rin sa himpilan ng pulisya sa Roma Centro at identipikado na bilang isang drug user.
Quintin Kentz Cavite Jr.