Isa na namang malungkot na episodyo ng domestic violence ang usap-usapan ngayon sa komunidad ng mga pinoy sa Roma matapos arestuhin ang isang 47-anyos na pinoy sa kasong pambubugbog ng kanyang maybahay na 33 anyos.
Ang biyolentong pananakit ay ginawa ng lalaki sa harap ng kanilang dalawang anak na ang isa ay menor de edad, araw ng lunes ika-19 ng buwan ng oktubre. Agad namang rumisponde ang mga awtoridad at mabilis na narating ang parte ng Monteverde sa Roma Capitale matapos matanggap ang tawag ng saklolo ng biktima at napigilang lumala pa ang sitwasyon. Sumbong ng babae sa mga carabinieri, napaupo na lamang umano sya habang pinoprotektahan ang kanyang sarili gamit ang kanyang mga kamay habang sya ay pinagsasampal at pinag susuntok ng kanyang mister. Hindi umano ito ang unang pagkakataong ang biktima ay dumanas ng pisikal na pananakit mula sa kanyang asawa.
Ang biktima ay nilapatan ng paunang lunas ng doktor na kasama ng ambulansyang mabilis na tumugon sa tawag at dinala sa San Camillo Forlanini hospital.
Sa clinical report ay nakasaad na nagtamo ng head injuries ang babae sanhi ng pambubugbog ngunit hindi naman kinailangang maconfine ng biktima na agad na pinauwi ng doktor na tumingin sa kanya.
Samantala, ang maysala ay dinala sa police headquarters at hiningan ng mga karagdagang detalye at isinagawa ang mas masusing imbestigasyon. Matapos suriin ng mga awtoridad ang kaso ay nagpasya ang judge na dalhin ang biyolentong lalaki sa kulungan ng Regina Coeli.
Matatandaan na ang karahasan sa babae sa loob ng bahay ay pinarurusahan sa ilalim ng isang espesyal na batas sa bansang Italya na nakapaloob sa tinawag na “Codice Rosso” legge n° 69/2019. Kasama sa kategorya ng karahasan ang sikolohical at hindi lang pisikal na pananakit, gamit ang mental at emosyonal na pagpapahirap, pati na rin ang pagpapahiya sa publiko ng isang babae. (Quintin Kentz Cavite Jr.)