Bistado ng mga pulis ang isang 48 anyos na Pinoy sa pagtatago ng halos 50 gramo ng ipinagbabawal na shabu sa loob ng bote ng softdrinks. Sa itaas ng bote ay ang softdrinks at sa ilalim naman ng bote ay ang nakatagong shabu.
Ang 48 anyos ng pinoy na kilala na ng awtoridad dahil sa kabi-kabilang police record nito, ay inaresto at kinasuhan ng possession of illegal drugs matapos ang isinagwang raid sa bahay nito sa Milan ng mga ahente ng investigative team ng Porta Genova. Sa pangunguna ni Luca Vicenzione ay nahuli sa akto ang pusher sa pagre-repack ng shabu na nagkakahalagang ng € 20 ang 0,1 gramo.
Bukod sa inire-repack, ay inabot din ng drug pusher ang ikalawang plastic kung saan mayroong 2 gramo ng shabu na tila ito lamang ang kabuuan ng ipinagbabawal na gamot na nasa kanyang tahanan.
Ngunit hindi natapos dito ang pagsusuri ng mga pulis, matapos makuha ang kanilang atensyon ng isang bote ng Pepsi na nasa ibabaw ng table, kung saan ginagawa ang pagre-repack. Kinuha at sinuring mabuti ang bote ng Pepsi at laking pagtataka ng mga pulis na tila nabago ang boteng hawak sa pagkakaroon ng dalawang ilalim nito. Hindi nagkamali ang mga kapulisan sa kanilang hinala dahil sa ilalim ng bote ng plastik ay nadiskubreng nakatago ang halos 50 gramo ng shabu.
Ayon sa ulat ng mga kapulisan, ang 48 anyos na Pinoy ay unang inaresto noong 2014 dahil sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot at itinuturing na isa sa mga ‘big pusher’ sa Milan.