Ang 70 anyos na si Mang Magdaleno Rabena, naninirahan sa Empoli, may karamdaman at walang permesso ay pinayagang manatili sa italya para magpagamot.
Si Rabena ay residente ng Empoli at may malalang karamdaman na sa ngayon ay itinuturing na clandestino pagkatapos ng maraming taong pagiging isang masunurin at onestong manggagawa at mamamayan dito.
Humingi ang pamilya ni Mang Magdaleno ng permesso di soggiorno sa motibong familiari subalit hindi ito pinagbigyan ng Questura di Firenze dahil sa kawalan ng nauukol na kautusan sa batas na sumusuporta sa kaniyang kaso. Ayon sa paliwanag ng Questura, si Mang Magdaleno, dahil sa kaniyang karamdaman maaari siyang manatili sa Italya bagama’t wala siyang permit to stay at hindi din siya maaaring i-expel.
Wala ding makukuhang disability pension ang matanda na sinubukan nilang i-claim sa tulong ng Associazione Italo-Filippina Giustizia e Diritto sa pamamagitan ng pangulong si Dr. Vladimiro Barberio. Sinabi ni Barberio na hindi din sinang-ayunan ang kahilingan nila. Ang sosyo ekonomikong benepisyo ay ibinibigay lamang sa isang nangangailangang mamamayan na may legal na paninirahan sa Italya.
Sinubukan din ng anak na babae ng nasabing pinoy na ipetisyon ang ama sa pamamagitan ng Ricongiungimento Familiare at palalabasing nasa Pilipinas ang ama. Hindi rin pumasa sa kinauukulan ang ganitong estratehiya dahil ang ganitong pamamaraan ay isang palsong idolohiya ng isang aktong publiko.
Ang pobreng matanda bagamat may malubhang karamdaman ay inobliga pa rin ng Questura na pumunta ng personal sa nasabing tanggapan dala-dala ng ambulansiya upang iritira ang resulta ng kaniyang kahilingang permesso bagamat hindi inaprubahan. Ang pag-imbita sa kaniya ng personal ay para sa pangangailangan ng Questura na ebidensiya na siya ay nasa ganoong malubhang kalagayan. Samantalang ang kopya ng kaparehong dokumento ay naipadala naman sa kaniyang abugado at iba pang kinauukulan.
Ang mas masakit pa, ang pangtustos sa pagpapagamot ng matanda ay manggagaling pa sa kaniyang sariling bulsa dahil hindi na siya kwalipikado sa asistensiyang sosyal pangkalusugan.
Nangako naman si Barberio na ipagpapatuloy pa rin nila ang pakikibaka kasama ng kaniyang abugado para kay Mang Magdaleno sa usaping karapatang pantao bilang ang pobreng matanda ay isang umano. (Tess Salamero)