Inaresto ang 9 na Pinoy dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa ipinagbabawal na gamot.
Inaresto ng mga pulis ng Roma Trionfale ang 9 na Pinoy, lahat ay mga colf, matapos mapatunayan ang pagkakasangkot ng mga ito sa ipinagbabawal na gamot, shabu.
Ayon sa awtoridad, sinimulan noong Marso 2006 ang imbestigasyon ng carabinieri Roma Triofale at Direzione Distrettuale Antimafia na naging dahilan sa pagkaka-aresto ng unang 6 na katao kung saan sinekwestro ang 2 kilo ng shabu na maituturing na isa sa mga record sa bansa at Europa partikular sa laki ng halaga nito na tinatayang aabot ng isang milyong euro.
Ayon pa sa report, ang imbestigasyong ito ang nagpahintulot upang matuklasan ang kilos ng pusher mula sa Roma hanggang sa Manila na nagpapadala ng ipinagbabawal na gamot sa eroplano hanggang Milan Italy at dinadala sa Roma kung saan itini-tingi naman sa pamamagitan ng house to house selling at maging sa mga kalsada.
Ang mga kasabwat sa Roma ay pinangungunahan ng isang Pinay, 52 anyos (hindi ibinigay ang anumang pagkakakilanlan). Ang Pinay ang namamahala sa mga iligal na gamot: sa pagpapadala nito mula sa Pilipinas, pagbebenta nito sa mga pusher, pagtanggap ng benta mula sa tingi, pagbibigay indikasyon sa mga kasabwat sa Italya kung paano ipapadala ang pera sa Pilipinas ng hindi mahuhuli hanggang sa tiyakin ang legal na proteksyon sa mga kasamahan nito.
Sa ginawang imbestigasyon ay natuklasan ang pagpapadala ng pera sa Pilipinas sa pamamagitn ng mga ‘money tranfer’ gamit ang iba’t ibang pangalan ng mga kasabwat.