Hindi maikakaila na likas sa mga pinoy ang pagiging matulungin. Isa itong maipagmamalaking katangiang na mas lalong nakita ngayong panahon ng pandaigdigang pandemia. Ang iba’t-ibang estado sa buhay ay hindi na tinitingnan. Ang importante ay makapagbigay ng kahit anong uri ng tulong sa kapwa sa panahon ng paghihirap.
Ang komunidad ng mga pilipino sa Messina, sa isla ng Sicily ay hindi nawala sa kampo ng humanitarian assistance. Bagamat hindi nila nagawang direktang tumulong sa kasagsagan ng COVID19 sa kadahilanang hindi basta basta nakakalabas ang mga ito sa bahay mula nang magsimula ang national lockdown ay naisagawa nila ang food distribution noong mga nakaraang araw.
Ayon sa Presidente ng Associazione Comunitaria Filippine o ACF Messina na si Miriam Macabeo, noong panahong nakalockdown pa ang kanilang lugar ay hindi naman umano napabayaan ang popolasyon ng Messina dahil sa mga tulong na natanggap mula sa ahensya ng Protezione Civile, Caritas, Red Cross, at iba pang mga ahensya ng gobyerno. Naging malaking bagay din ang natanggap na “family card” na mula sa Comune di Messina. Ngunit sa klase ng emerhensyang hinaharap ng lahat sa kasalukuyan ang mga ayuda ay waring hindi pa rin sapat.
Sa isinagawang relief drive ng ACF Messina ay nagpaabot din ng tulong ang ilang benefactors na karagdagang bagay sa resources na mula sa pondo ng asosasyon.
Ang target beneficiariesng OPLAN ayuda na ito ay ang mga bata at senior citizens na hindi nakatanggap ng anumang asistensya noong panahon ng covid19 lockdown.
Bakas sa mukha ng lahat ang kasiyahang hindi kayang tumbasan ng kahit anong bagay, ligayang dulot ng pusong laging handang maglingkod sa kapwa. (Quintin Kentz Cavite Jr.)