in

ACFIL, patuloy na adbokasiya sa loob ng 25 taon

Panawagan para sa Bayanihan: ACFIL CARES o Constant Actions Responding to Emergencies caused by pandemic and Selfless Service

Sa buong Italya, maraming mga organisasyon ang mahigit na sa dalawampung taon ang pagkakatatag. Pero mangilan-ngilan lamang ang talagang aktibo pa at patuloy sa mga programa nito at paglilingkod sa mga kababayan.

ACFIL o ASSOCIAZIONE CULTURALE FILIPPINA del PIEMONTE

Isa na rito ang ACFIL o ASSOCIAZIONE CULTURALE FILIPPINA del PIEMONTE na magdiriwang ng kanilang ika-25 anibersaryo sa Mayo 16, 2021. Dahil sa restriksiyong pandemiko, naisantabi ang malaki sanang selebrasyon at napalitan ng isang Panawagan para sa Bayanihan, ang ACFIL CARESConstant Actions Responding to Emergencies caused by pandemic and Selfless Service. Ito rin ang tema ng kanilang selebrasyon.

Sa pangunguna ng kanilang pangulo na si Rosalie Bajade Cuballes, ang ACFIL ay patuloy sa pagbibigay ng tulong sa mga nagkasakit ng COVID, mga nawalan ng trabaho, naka-quarantine at sa mga nangangailangan. Sentro rin sila ng mga donasyon mula sa ibang mga ahensya gaya ng Banco Alimentare del Piemonte na nagbibigay ng iba’t ibang produktong pagkain, ang Eco dalle Città na nagdadala naman ng mga prutas at gulay at nagbabahagi din ng mga food recipes, ang Farmacia Europea na nagbigay naman ng mga gamot at iba pang bagay na medikal, ang PERMICRO na nagbigay ng cash donation, pati ang donasyon mula sa Studio Segre at ang iba pang nagbahagi ng kanilang tulong upang masostena ang adbokasiya ng ACFIL lalo at sa panahong ito ng pandemya.

Ang kanilang selebrasyon sa taong ito ay may programa din na sisimulan ng isang Thanksgiving Mass, pagbisita sa sementeryo kung saan bibigyan ng tribute ang namayapang ACFIL Consultant na si Sir Luigi Sandrucci, pagbibigay ng rekognisyon sa mga nakatulong sa ACFIL, pamamahagi ng mga food packs sa mga walang tirahan at sa ibang nangangailangan , at pagkakaroon ng raffle draw para sa mga miyembro at taga-suporta ng ACFIL.

Ayon sa pahayag ni Rosalie Cuballes, “Kapakanan ng mga OFWs sa Piemonte ang palaging isinusulong ng Acfil at ito ay naipapaabot din sa ibang lahi na lumalapit sa Acfil lalo na sa mga nakatira sa zona Aurora. Ang mga kongkretong aksiyon upang matulungan ang mga migrante lalo at sa panahong ito ng pandemya ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng bayanihan at pagkamatulungin ng komunidad ng mga Pilipino, ng mga opisyal at  miyembro ng ACFIL , ang suporta at kolaborasyon ng iba pang asosasyon at ng Comune ng Torino sa pamamagitan din ng Assessore di Pari Opportunita Interculturale. Mapalad ang ACFIL dahil napalibutan ito ng mga may katulad na adbokasiya. Ako, bilang presidente ng ACFIL ay nagpapasalamat sa lahat ng aming partners, supporters and collaborators“. 

Tunay ngang ang binhi na itinanim noon ng tagapagtatag ng ACFIL na si Minda Teves ay patuloy sa pagyabong at paglaki, at hindi hihinto sa paglilingkod at pagtulong sa mga kababayan dito sa Italya. (Dittz Centeno-De Jesus)

Click to rate this post!
[Total: 1 Average: 5]

Sonata para sa Isang Ina

Ako ay Pilipino

Undocumented, may karapatan bang mabakunahan kontra Covid19 sa Italya?