Sa patuloy na krisis dito sa Italya dulot ng Covid19, marami sa mga kababayan natin ang papaubos na ang nakatabing ipon kung kaya alam nating darating ang sitwasyon na magigipit na rin para sa pambili ng mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, medisina at gamit-sanitaryo.
Ang mga nakaraang linggo buhat ng magkaroon ng lockdown ay kapapansinan ng pagtutulungan ang komunidad ng mga Pilipino. Namumukod dito ang ACFIL o ASSOCIAZIONE CULTURALE FILIPPINA DEL PIEMONTE, na nasa ika-24 taon na ng pagkakatatag sa darating na ika-16 ng Mayo. Matatandaang ito ay itinatag ng lider-komunidad na si Minda Teves, na ngayon ay nananatili sa Pilipinas at isa ng retirado.
Patuloy ang ACFIL sa pagbabahagi ng mga pagkain, gulay at prutas at iba pang mga donasyon mula sa mga donor na Pilipino at Italyano, mga pribadong ahensiya at iba pang isponsor. Kumuha din sila ng permit o akreditasyon mula sa Protezione Civile para malayang makaikot sa mga kabahayan at makapamahagi.
Nagtalaga sila ng Distribution Team na magdadala sa mga kabahayan ng mga kababayang kapos na sa pangangailangan ng pamilya dahil nawalan ng trabaho o pansamanatalang di na muna pinapasok, mga maysakit at mga pamilyang may mga miyembrong bata at matatanda. Nung una ay may proyekto na silang Banco Alimentari for Indigent Filipino Families na buwanang nagbibigay ng mga donasyong pagkain, pero pinalawak na nila ito ngayong may krisis. Sa ngayon ay nasa ika-7 batch na sila sa kanilang distribusyon sa proyektong ACFIL -COVID Pantawid.
Mayroon din silang Fund-Raising sa pamamagitan ng pagtanggap ng mga donasyon gamit ang ACFIL Bank account at ito ang nagagamit nila para sa pandagdag sa pambili ng mga pagkain.
Bukod pa dito, ay nakakatulong din sila sa mga kababayan sa pagkokompila ng mga aplikasyon para sa buoni spesa mula sa gobyernong Italya, upang higit nitong maintindihan ang mga benepisyong makukuha, maging sa pag-asiste sa mga pagsasaayos ng mga dokumento.
Mayroon din silang programa para sa psychological support sa mga nagkakaroon ng problema emosyonal dulot ng krisis. Nakakapagbigay ng suportang moral sa mga nakakaramdam ng kawalan ng pag-asa.
Aktibo din silang miyembro ng Ofw Watch Italy- Task Force Covid 19, at naging kawaksi sa pagtulong sa grupo ng mga seafarer mula sa Costa Luminosa na nakuwarantina dito sa Italya. Nakatulong din sa pagkalap ng mga impormasyon ukol sa mga Pilipinong naging biktima ng virus, mga pamilya naulila, at pati ang mga kasalukuyang maysakit, at yaong mga nawalan ng trabaho.
Nagagawa nila ito dahil sa sinserong pagtutulungan ng mga pinuno at mga miyembro at ang pagiging mapagkumbaba nila ang higit na nagiging inspirasyon ng iba pang organisasyon upang gawin rin ang bayanihan.
Ayon nga kay Rosalie Cuballes, ang kasalukuyang pangulo ng ACFIL,ipagpatuloy ng bawat isa ang pagdarasal upang matapos na ang COVID Crisis na ito. Labanan ito sa pamamagitan ng pagtutulungan at bayanihan. (Dittz Centeno-De Jesus)