Napagkasunduan ang anim na punto ng Rekomendasyon matapos ang naging talakayan ng mga Migrante sa Toscana.
Florence, Hulyo 28, 2016 – Pinangunahan ng OFW Watch Italy at OFW Watch Toscana Chapter ang pagbalangkas ng mga mungkahi para sa mga OFW sa rehiyon. Ito ay bilang tugon sa panawagan ng mga OFW sa Italya na magbuo ng mga rekomendasyon sa kasalukuyang Pamahalaan ni Presidente Du30. Pangunahin pa ang pagsusulong ng interes, kagalingan at karapatan ng mga mangagawa sa abrod. Ang mga resolusyon na mabubuo ay ipapadala sa Kagawaran ng Ugnayan Panlabas at inaasahang maipaabot ang mga ito kay Presidente Rodrigo Roa Duterte.
Naging masigla ang partesipasyon ng mga pangulo at opisyal ng mga samahan na nagsidalo. Umabot sa 37 ang mga lider na lumahok sa talakayan mula sa syudad ng Firenze, Prato, Empoli, Pisa at Livorno. Pangunahing binigyan ng diin ang kahilingan na paghusayin pa ang pagbibigay ng serbisyo, pagpapababa ng mga bayarin tulad ng halaga ng pasaporte at pagpapahaba ng bisa nito mula sa 5 taon hanggang 10 taon, mga singil at pag-alis sa mga paulit-ulit na bayaring nagdaragdag ng pabigat sa mga mangagawa.
Tinalakay din ang usapin hinggil sa Social Security. Ipinapanawagan ng OFW Watch na pagsamahin na ang bilang ng ipinagtrabaho sa Pilipinas (publiko at pribado) sa taon ng pagtatrabaho dito sa Italya. Ito’y sa layuning mapaaga ang pagtanggap ng kanilang pensyon ng sa gayon ay maagang mapakinabangan ang kanilang mga pinagpaguran. Salik na dahilan na maiksi ang life expectancy ng mga pinoy kumpara sa mga European.
Nagdesisiyon din ang kapulungan na ipanawagan ang pagbasura sa Mining Act of 1995. Nag-aalala ang mga OFW na ang kanilang mga naipundar sa Pilipinas ay masayang lamang dahil sa pagkawasak ng kalikasan at mga epekto nito. Nagkaisa rin na sumuporta sa pagpapanumbalik ng Usapang Pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at NDF, GRP at Moro. Dapat mapagbantay naman sa paborableng desisyon ng International Tribunal on Laws of the Seas na ang Tsina ay huminto ng pangangamkam at pananakot sa West Philippine Sea, sapagkat ang Pilipinas ang may istorikal at karapatang magmay-ari nito, ayon sa korte.
Naging mabunga at malaman ang naging pagtalakay sa OWWA Act na pimunuan ng Welfare Officer Jocelyn Hapal mula sa PCG Milan. Tinalakay punto-per–punto ang bawat artikulo at tumanggap ng mga mungkahi na maaring maipaloob sa binabalangkas na Implementing Rules and Regulations (IRR) na gagamiting panuntunan sa itatayong Departamento para sa mga Mangagawa sa Abrod.
Napagkaisahan na dapat:
1, Ang pondo ng mga OFW ay manatiling pag-aari nila at gagamitin lamang sa kanilang kapakinabangan at programa. Sa madaling salita, di dapat makasama sa One Fund Doctrine ng mga National Government Agency (NGA)
2. Palitan ng mga OFW ang kasapi ng Board of Trustees. Ng sa gayon ay epektibong makapagsilbi ito sa kanilang hanay.
3. Dapat linawin ang voluntary membership at isunod sa sinasaad ng RA 10022 (amended) na ang mga OFW ay yaong indibidwal na “ magtatrabaho, nagsisipagtrbaho at nagsipagtrabaho sa labas ng Pilipinas
4. Pagpapalawak ng Health Care Benefits
5. Magkaroon ng Sariling Bangko para sa mga OFW
5. Ang pagpapauwi ay pangunahing tungkulin ng Pamahalaan para sa mga gipit at nangawalan ng trabaho na OFW.
6. Pagkakaroon ng rebate sa mga matagal ng miyembro na nagnanais ng manirahan sa bansa.
Sa kabila ng mga rekomendasyon na ito, nagkaisa rin sa punto na wakasan na ang Labor Export Policy. Patakaran na hinuhulma ang isip ng mga gradweyt at mamamayan, na lumabas ng bansa para magtrabaho. Dapat mahinto ang “brain drain”, sa halip ay magpokus kung paano makakatulong sa pagpapa-unalad ng bayang pinagmulan. Sabi nga ng marami, “ Trabaho sa Pinas, hindi sa labas!
Ofw Watch Tuscany
Frediemor Purificacion
Pangalawang Tagapangulo