Kamakailan ay nagsagawa ng isang water color painting workshop ang Alyansa ng Lahing Bulakenyo o ALAB sa mga kabataang miyembro ng Youth for Christ (YFC) sa Bologna.
Naging tagapagturo dito si Mercedita De Jesus, na isang pintor at siyang nagtataguyod ng Arte Creativa upang makilala ang mga Pilipino sa larangan ng sining ng pagpipinta.
Sa pagsisimula ng workshop, bumati muna ang kasalukuyang pangulo ng ALAB, si Gene De Jesus at binanggit niya na ang Arte ay isang paraan din ng ekspresyon ng mga saloobin. Kung anuman ang kanilang matutuhan sa maikling pagsasanay na ito ay puede pa rin nilang palaguin sa pamamagitan ng patuloy na pagsasanay.
May labing-isang kabataan ang lumahok sa pagguhit at pagpipinta gamit ang water color. Sa una ay itinuro sa kanila ang mga pangunahing pamamaraan ng pagkukulay at konsepto ng arte. Sumunod ay isa-isang pinapili ng kokopyahing disenyo. Sa mga nagawa nilang obra, sinulatan nila ito ng mga berso mula sa Bibliya.
At ayon nga kay Elisha Gay Hidalgo, ang kasalukuyanng coordinator ng YFC ng Couples for Christ-Bologna, ang mga obrang ito ng kabataan ay kanilang ikukuwadro at iaalok sa mga nais bilhin ito bilang pandagdag na rin sa pondo ng mga kabataan na gagamitin sa mga proyekto nila.
Dittz Centeno-De Jesus
kuha ni GYNDEE Photos