Sa loob ng 16 na taon, ang Ateneo Overseas Filipinos’ Leadership, Innovation, Financial Literacy, and Social Entrepreneurship (OFLIFE) Program, na dating kilala bilang Leadership and Social Entrepreneurship (LSE) Program, ay naging matibay na kaagapay ng libu-libong Overseas Filipinos (OF) sa kanilang personal at propesyonal na pag-unlad. Ngayon, mas kilala na ito bilang ALSE OF-LIFE Program, isang natatanging programa sa ilalim ng Executive Education Program ng Ateneo School of Government (ASoG). Ang bawat nagtapos dito ay kinikilala bilang opisyal na alumni ng Ateneo de Manila University, isang prestihiyosong pamantasan sa Pilipinas.
Batay sa datos ng ASoG noong 2023, umabot na sa halos 5,000 OFs mula sa 126 na batches ang matagumpay na nakatapos ng programa, sa 33 bansa sa buong mundo. Noong 2020 sa kasagsagan ng pandemya, sinimulan na rin ang online version ng programa, na nagbigay ng mas malawak na pagkakataon sa mga OFs saan man sila naroroon.
Isang mahalagang bahagi ng kasaysayan ng programang ito ay ang simula nito sa Italya noong 2008, sa ilalim ng pamumuno ng Associazione Pilipinas OFSPES, isang non-profit organization. Dito sa Roma, sa pangunguna nina Edgardo Valenzuela at Cristina Liamzon, matagumpay na naitaguyod ang Ateneo Leadership and Social Entrepreneurship (LSE) Program, na nagsilbing mitsa para lumawak pa ito sa iba’t ibang bahagi ng Italya tulad ng Napoli, Firenze, Milano, Torino, at Conio. Sa loob lamang ng ilang taon, ang programang ito ay nakarating na rin sa iba’t ibang bansa sa Europa, Middle East at Asya.
Ang ALSE OF-LIFE Program ay isang anim na buwang kurso na nahahati sa labindalawang sesyon, kung saan sakop nito ang tatlong mahahalagang modules: Leadership, Financial Literacy, at Social Innovation/Entrepreneurship. Dinisenyo ito upang bigyan ang mga OF ng mga kasanayan at kaalaman na hindi lamang makakatulong sa kanilang personal na buhay kundi pati na rin sa pagsulong ng kanilang mga pamilya at komunidad.
Leadership
Sa module na ito, natututo ang mga OF ng mga pundasyon ng pamumuno at pakikipag-komunidad. Tinatalakay dito kung paano magpahayag ng positibong impluwensya sa kanilang kapwa OFs, paano bumuo ng matibay na ugnayan, at kung paano pamahalaan ang mga alitan sa paraang mapayapa at produktibo. Ang servant leadership ay isang mahalagang aral na ibinabahagi, na nagsusulong ng pamumuno na inuuna ang kapakanan ng iba.
Financial Literacy
Sa aspeto ng Financial Literacy, natututunan ng mga OF ang kahalagahan ng tamang pamamahala ng pera, na isang mahalagang hakbang upang makamit ang financial security. Dito, tatalakayin ang mga praktikal na hakbang sa paggawa ng budget, pagtitipid, pag-iwas sa utang, at mga tamang hakbang sa pamumuhunan. Mahalaga ito lalo na para sa mga OF na naghahangad ng mas matatag na kinabukasan para sa kanilang pamilya.
Social Innovation/Entrepreneurship
Ang module ng Social Innovation/Entrepreneurship ay nagbibigay-diin sa pagsasanay sa pagnenegosyo na hindi lang para sa kita, kundi para rin sa kapakanan ng komunidad. Dito natututunan ang mga konsepto ng social entrepreneurship—kung paano bumuo ng isang negosyo na hindi lamang nagpapayaman kundi nagdadala rin ng pagbabago sa lipunan. Kasama rin dito ang pagbuo ng isang matibay na business plan na may malinaw na misyon at adbokasiya para sa komunidad.
ALSE OF-LIFE Program: Isang Komprehensibong Programa Para sa Pag-unlad
Ang ALSE OF-LIFE Program ay hindi lamang isang karaniwang certificate course. Ito ay isang komprehensibong programa na nagbibigay-daan sa mga OF na higit pang mapaunlad ang kanilang mga sarili—hindi lang para sa personal na paglago kundi pati na rin sa ikabubuti ng kanilang mga pamilya at komunidad. Sa pamamagitan ng natutunan sa leadership, financial literacy at social entrepreneurship, nahahasa ang mga OF na maging handa sa mga hamon ng buhay at maging sandigan ng kanilang komunidad.
Sa bawat pagtatapos ng isang batch, nagiging bahagi ng bagong henerasyon ng mga global leaders ang mga OFs—mga lider na handang magsilbi hindi lang sa kanilang kapwa OF kundi pati sa kanilang bayan. Dahil dito patuloy ang pag-aanyaya na maging bahagi ng ALSE OF-LIFE Program sa nalalapit na paglulunsad ng bagong batch nito sa Europa, mula October 2024 hanggang April 2025.
Ang ALSE OF-LIFE Program ay patunay na kahit saan man mapadpad ang mga Pilipino, bitbit nila ang kagalingan, kasipagan, at malasakit sa kapwa—mga katangian na tunay na nagpapakilala sa ating mga bagong bayani.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang website at social media page nito o makipag-ugnayan kina Rochelle Alilio 3276984778 at Jane Cruzat 3891156618.