Isa na namang mapait na balita ang bumulaga sa mga taga Umbria. Ang kaso: panghahalay ng sariling ama sa 17-anyos na anak na babae. Iisa ang naramdaman ng komunidad ng mga pilipino na nakapanood at nakabasa ng balita. Pagkasuklam, matinding galit, ngunti mayroon ding kakambal na takot dahil kahit sariling bahay ay hindi na rin ligtas na lugar.
Ang lahat ng ito ay nagsimula noong ika-1 ng kasalukuyang buwan. Nakatanggap ang mga awtoridad ng sumbong gamit ang isang APP ng Polizia di Stato. Ang sigaw ng paghingi ng saklolo ay nangangailangan ng mabilis na aksyon dahil menor de edad ang biktima.
Anonymous report
Mabilis ang naging tugon ng mga kapulisan sa anonymous report. Kapwa nakatira sa iisang bahay sa Terni ang suspek at ang biktima. Kuwento ng dalagitang pinay sa mga awtoridad, tuwing may pagkakataon ay pinapasok sya ng ama sa kuwarto at doon ginagahasa. Kalimitan ay sa gabi nito isinasakatuparan ang masamang hangarin.
Nang matunton ang kinaroroonan ng inireklamong 43-anyos na padre de pamilyang pinoy ay agad itong inaresto. Sa isinagawang imbestigasyon, lumabas na malinis ang rekord ng lalake at kumpleto sa mga dokumento.
Palagay ang loob ng biktima na magsalaysay ng mga nangyrai dahil sa babaeng pulis na ipinadala ng Questura. Ilang beses na umano itong pinagsamantalahan ng sariling ama. Paulit-ulit na panghahalay ang ginawa sa loob ng ilang taon. Ang huli umano ay noong gabi ng bagong taon. Halos walong beses na pumasok sa kuwarto ng dalaga ang hindi niya na matawag na ama. Poot at galit ang nararamdaman nito ngunit dahil sa malaking takot ay hindi makapagsumbong. Hanggang sa makaipon ito ng lakas ng loob at umabot nga sa pagsuplong sa mga may kapangyarihan.
Agad na dinala ang biktima sa ospital at isinailalim sa medical examination. Matapos isagawa ang lahat ng mga proseso ay dinala ang dalaga sa isang ligtas na lugar. Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng lokal na social welfare agency ang biktima. Binigyan ito ng kaukulang tulong tulad ng mga pagpapayo at mga sikolohikal na panghihimasok.
Samantala, pormal na sinampahan na ng kasong rape ang arestadong padre de pamilya. (Quintin Kentz Cavite Jr.)