“Hayaan ninyong ipagpatuloy ko ang aking paglilingkod bilang Konsehal batay sa serbisyong may malinis na hangarin at nagmumula sa puso na higit pa sa hatid ng mundo ng politika”, Analiza Bueno.
Roma, Mayo 16, 2016 – Si Analiza Bueno, isa sa dalawang Fil-Italian na kasalukuyang kumakandidato bilang Consigliere Comunale sa nalalapit na halalang lokal sa June 5.
Mas kilala sa tawag na LIZA BUENO, 48 anyos, kasal kay Randy Magsino, parehong tubong Batangas at biniyayaan ng 2 anak: si Allen, 20 anyos at pumapasok sa kolehiyo; at si Aby kasalukuyang 2nd year high school.
Makalipas ang dalawampu’t tatlong mahabang taon ng proseso ng integrasyon sa Roma, ay nais ipagpatuloy at lalong palalimin ni Liza ang kanyang paglilingkod bilang konsehal o consigliere comunale sa Roma.
Mula sa isang mahirap na pamilya at tulad ng maraming kababayan, sa kabila ng tapos at may pinag-aralan ay napilitang mangibang bayan upang mabigyan ng magandang buhay ang pamilya. Nagtrabaho bilang isang domestic worker sa Japan at makalipas ng dalawang taon ay bumisita sa Roma sa kapatid na babae. Dapat sana ay babalik muli ng Japan at magtuturo sa isang international school ngunit ang tadhana, sa kabila ng maraming pag-aalinlangan, ay ninais na siya ay manirahan at harapin ang bagong buhay sa Italya. At dito nagsimula ang pagiging boluntaryo ni Liza.
Simulang nakilala si Liza sa FWC o Filipino Women’s Council kung saan nagbigay ng libreng serbisyo tuwing day-off. Dito ay simulang pinag-aralan ang karapatan ng mga kababaihan para sa asosasyon at hindi naglaon ay naging secretary ng nasabing asosasyon na noon ay nasa Casa dei Diritti Sociale.
Buhat sa pagiging overstayer, sa pamamagitan ng legge Turco Napolitano taong 1996 ay naging regular at nagkaroon ng permit to stay.
Pagkatapos ay naging operator sa isang nursey ng CFMW Commission for Migrant Workers hanggang 2002. Nagpatuloy sa pag-aaral, pumasok sa iba’t ibang kurso at naging aktibo sa komunidad at iba’t ibang asosasyon na nagbigay ng pangunahing karanasan at kaalaman sa mundo ng migrasyon bilang intercultural mediator. Kasamang nagtatag ng pahayagan ng Stranieri inItalia taong 2003 at naging patnugot ng pahayagang Ako ay Pilipino hanggang 2012. Sa kasalukuyan ay isang cultural mediator, interpreter at translator sa Tribunale Civile e Penale di Roma bukod pa sa pagiging empleyado sa Centro per l’Impiego ng Provincia di Roma. Kasalukuyan ring nagpapatakbo rin ng Sportello Stranieri, na mayroong Patronato at Caf ng Sindacato Unilavoratori kung saan isa ring consultant.
Kasama ang ilang kasamahan sa komunidad, ay itinatag ang ASLI o Associazione Stranieri Lavoratori in Italia taong 2011 na pangunahing layunin ang tulungan hindi lamang ang mga Pilipino bagkus lahat ng mga mamamayang residente sa lungsod. Kasama ng asosasyon, ay naglathala ng dalawang libro: Gabay para sa mga Pilipino sa Roma at Dalawang Konstitusyon, Iisang Kultura. Pinangunahan rin ang ‘front office’ ng ASLI sa Sentro Pilipino sa Via Urbana. Taong 2015 ay isa sa mga meditor ng proyektong “InfoFilieraRoma.it” na layuning magbigay ng mga mahahalaga at pangunahing impormasyon sa mga dayuhan sa Italya.
Samantala, dalawampu’t tatlong taon ang lumipas at nananatiling nangangarap bagaman naabot na ang karamihan sa mga ito: ang buo at masayang pamilya, maayos na hanapbuhay at matiwasay na pamumuhay. Ngunit hindi dito nagtatapos ang kanyang layuning lumago, matuto at maglingkod, dahil ngayon ay isang bagong hamon ang hinaharap ni Analiza Bueno, ang maging bahagi ng konseho ng lungsod ng Roma.
Sa pamamagitan ng kanyang mayamang karanasan at masidhing layuning ipagpatuloy ang paglilingkod sa kasalukuyang panahong puno ng paghihirap, katanungan at pag-aalinlangan.
“Hayaan nyong ipagpatuloy ko ang aking paglilingkod sa inyo bilang konsehal batay sa serbisyong may malinis na hangarin at nagmumula sa puso na higit pa sa hatid ng mundo ng politika”.
“Inaasahan ko po ang inyong suporta, tulong at pagmamahal at sama-sama po tayong haharapin ang mas magandang buhay sa ating ikalawang lungsod, ang Eternal City of Rome”, pagtatapos ni Analiza Bueno.
Bakit ka kakandidato para sa Lista Marchini?
“Ang Lista Marchini ay nagpakita ng pagnanais na maitaguyod ang pagpapatupad ng kanyang mga magagandang layunin para sa siyudad ng Roma. Ako, na handang magbigay serbisyo sa lumalawak na multi-ethnic City of Rome ay aking inakap ang plataporma Marchini na para sa akin ay angkop sa mga mamamayang naghahanap at nagnanais ng higit na serbisyo para sa isang lungsod na nangangailangang pangalagaan ang pag-unlad nito tulad ng sumusunod:
1) Multi-ethnicity and intercultural education sa lahat ng antas ng paaralan, mga pampubikong opisina at iba’t-ibang lugar;
2) pagpapahalaga sa pag-unlad ng mga cultural heritage;
3) tanggalin o mahadlangan ang anumang uri ng diskriminasyon sa nasasakupan, lalo’t higit sa mga kabataan na syang hadlang sa pagpapaunlad ng sambayanan.
Bukod pa sa tema ng seguridad, kalinisan, tranpostasyon, integrasyon, kultura, edukasyon, legalidad at pagiging epektibo ng publikong administrasyon“.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa:
Analiza Bueno Candidata Consiglio Comunale Lista Marchini
ni: PGA