Mayroong 169,046 Pilipino sa Italya, ika-lima sa pinakamalaking bilang ng mga dayuhan at matatagpuan ang karamihan sa rehiyon ng Lombardy at Lazio. Trabaho ang pangunahing dahilan ng pananatili sa Italya (70%), bagaman sa huling taon ay family reunification ang pangunahing dahilan ng pagpasok sa bansa. Mayroon ding naitalang 401 Pilipino na umalis ‘for good’ sa Italya.
Sa website ng Integrazione Migrante, ng Ministry of Labor and Social Affairs, sa pakikipagtulungan ng Italia Lavoro S.p.a., ay inilathala ang mga katangian ng bawat 15 komunidad, isa na dito ang Filipino Community.
Kinilala ang mga pangunahing komunidad mula sa laki ng populasyon sa bansa hanggang sa dahilan ng paninirahan sa bansa, mula uri ng trabaho hanggang sa bilang ng mga manggagawa at bilang ng mga mag-aaral.
Ang bilang ng Filipino Community
Ayon sa Integrazione Migrante, ang mga Pilipino ay isa sa mga pinaka-malaking komunidad sa Italya, marahil dahil na rin sa nag-uugnay sa dalawang bansa, ang relihiyon at ang haba ng panahon ng migrasyon ng komunidad kumpara sa ilang non-European communities. Sa katunayan, hanggang Enero 1, 2015, ay naitala ang bilang na 169,046 ng mga Pilipinong regular na naninirahan sa Italya, katumbas ng 4.3% ng kabuuang bilang ng mga non-European. Ang Filipino community ay kasalukuyang ika-lima sa pinakamalaking bilang sa Italya.
Sa kasaysayan ng migrasyon ng komunidad sa bansa, ay patuloy na mas mataas ang bilang ng mga kababaihang Pilipino kaysa sa mga kalalakihan. Hanggang panahong nabanggit, ang mga kababaihan ay kumakatawan sa 57.4% kumpara sa 42,6% ng mga kalalakihan. Ang bilang na ito, gayunpaman, ay maituturing na balanse sa kabuuang bilang ng mga dayuhan sa bansa (51% ang mga kalalakihan at 49% ang mga kababaihan).
Samantala, 62% ng kabuuang bilang ng mga Pilipino ay higit na matatagpuan sa dalawang pangunahing rehiyon ng bansa, Lombardy at Lazio, partikular sa dalawang lungsod, Milan at Rome. Sa Milan, higit sa 1/3 ng mga Pilipino ang naninirahan o ang 57,345 o 33.9% ng kabuuang bilang. Sa Rome naman ay 28% ng kabuuang populasyon ng komunidad.
Dahilan ng pananatili sa bansa
Dahil sa mga nabanggit sa itaas, maituturing na ang kasaysayan ng migrasyon ng Pilipino ay matatag na sa bansa. Sa katunayan ang mga Pilipino na nagtataglay ng tinatawag na EC long term residence permit o carta di soggiorno ay 52.3% ng populasyon nito. Gayunpaman, ang datos ay bahagyang mababa kumpara sa 57.2% ng mga non-European communities.
Para sa malaking bahagi ng mga Pilipino, ang trabaho ay kumakatawan sa pangunahing dahilan ng paninirahan sa Italya. Ito ay tumutukoy sa 70% ng mga renewal ng permit to stay, higit na mataas kumpara sa ibang non-European community ng 17%. Samantala, halos ika-apat na bahagi o 25% ng komunidad ay mayroong motivo familiare, at 0.3% naman ang mayroong motivo di studio kumpara sa 3.2% ng mga non-European communities. At 4% naman ang mga permit to stay na inisyu para sa ibang dahilan tulad ng (asylum, humanitarian at medical purposes).
Bagaman, naitala ang bahagyang pagbaba ng mga bagong dating sa bansa, ang bilang ng mga Pilipino sa Italya ay patuloy ang pagtaas. Mula sa 165.783 noong 2014 ay tumaas ng 3.263 o 4.3% ang bilang sa taong 2015. Samantala, ang mga Pinoy naman na dumating sa bansa sa pagitan ng taong 2013 at 2014 ay bumaba ng 16%, o mula 6.796 sa 5.691. Partikular, naitala ang -30% sa issuance ng permesso per lavoro, at ang pangunahing dahilan ng pagpasok sa bansa ay ang family reunification na sumasaklaw sa 70 % ng mga bagong issue ng permit to stay.
Sa kabila nito, mayroon ding naitalang mga lumisan sa Italya. Ayon sa mga pinakahuling opisyal na ulat, sa taong 2013, 401 ang mga Pilipino na naglipat ng residensya sa ibang bansa. Mula 2007 hanggang 2013, ay naitala ang pagtaas ng 133% sa bilang ng mga Pilipino na umalis at nilisan ang Italya, mula 172 sa 401.