Ito ang tema sa muling pagdiriwang ng mga Pilipino sa Roma ng naka-ugaliang Family Day na idinaraos sa Shrine of Our Lady of Fatima sa Via Ponte Terra San Vittorino.
Ito ang tema sa muling pagdiriwang ng mga Pilipino sa Roma ng naka-ugaliang Family Day na idinaraos sa Shrine of Our Lady of Fatima sa Via Ponte Terra San Vittorino.
Roma, October 22, 2012 – Ang taunang pagtitipon ay nilahukan ng iba’t-ibang grupo ng mga komunidad ng Pilipino sa pangunguna ng Sentro Pilipino Chaplaincy at pakikipagtulungan ng San Vittorino Filipino and Italian Community.
Maaga pa ay masaya nang nag-umpisang magkabit ng kani-kanilang tent ang mga grupo, gayundin ang iba’t-ibang Business establishments at Religious Organizations sa paligid ng Simbahan.
Pinangunahan ni Rev. Fr. Romeo Velos, CS ang pagdarasal ng Rosaryo ganap na alas 10 ng umaga. Ang prusisyon kasama ang banal na Imahen ng Mahal na Birhen ay inilibot sa buong kapaligiran ng Simbahan kung saan ay may mga larawan ng mga misteryo ng banal na Rosaryo. Pagkatapos ng prusisyon ay masiglang nagpalakpakan ang lahat sa pagpasok ng imahen ng Mahal na Ina sa loob ng Simbahan hudyat upang simulan ang pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya.
Punong-puno ang simbahan ng mga deboto at mananampalataya sa Mahal na Ina. Naroon din ang Ambassador to the Holy See Mercedes Tuason upang magbigay suporta at makiisa sa nasabing okasyon.
Pinangunahan ni His most Reverend Luis Antonio G. Tagle, Archbishop ng Manila ang Banal na Misa kasama ang mga Spiritual Advisers ng mga Filipino Communities at ni Fr. Romy Velos, CS Chaplain ng Sentro Pilipino at si Msgr. Pierpaolo Felicolo, Direttore per la Pastorale delle Migrazioni. Nagbigay din ng pagbati at pananalita ang Rector ng simbahan na si Don Silvano Porta.
Pamilyang Pilipino ang bumuo ng mga pagbasa. Ang Panalangin ng Bayan ay isinalin sa iba’t-ibang wika ng Pilipinas upang bigyan halaga ang kahalagahan ng pagkakaisa kahit may pagkakaiba.
Sa Homiliya ay binigyang diin ni Bishop Tagle ang pagiging isang tunay na saksi kay Kristo. Sinariwa din niya ang binigkas ni Pope John Paull II noon na tayong mga Pilipino ay narito hindi lamang upang magtrabaho kundi para sa isang misyon: Ang matulungan natin na ilapit sa Panginoon ang ating kapwa. Halos ilang beses na nagpalakpakan ang mga tao sa ganda ng homiliya ng Obispo na tunay na nakaantig ng puso ang bawat pananalita.
Nakatutuwang masdan ang paghahandog ng mga alay ng bawat pamilyang pinoy. Sumasagisag ito sa pagmamahalan at pagkakabuklod-buklod na siyang diwa at tema ng pagdiriwang.
Ang pananampalatayang Pinoy ay sadyang natatangi. Bigkis ng iisang paniniwala na pinalalim ng pagmamahalan at pagkakaisa. Nawa ay lalo pang maging matatag ang Bawat Pamilyang Pilipino saan mang sulok ng mundo at maging mga tunay na saksi sa ating Panginoong Hesukristo. (ni: Lorna Toelntino SSFC)