Pagkakaisa at Pagdadamayan ng Isang Tunay na Komunidad, naging tema ng ika-19 Anibersaryo ng Sentro Pilipino sa Italya, ang Santa Pudenziana Filipino Community
Patimpalak pagandahan ang isa sa mga naging “highlight” ng pagdiriwang ng ika-19 anibersaryo ng pagkakatatag ng Santa Pudenziana Filipino Community sa Italya na naganap noong ika-3 ng Oktubre, taong kasalukuyan sa Basilica di Santa Pudenziana sa Via Urbana sa Roma.
“Noong una, hindi ako ganoong kasaya nang malaman ko na hahaluan ng beauty contest ang pagdiriwang ng anibersayo ng Santa Pudenziana Filipino Community.” Ito ang naging pambungad na pahayag ng nakatalagang Chaplain para sa Sentro Pilipino, Father Romeo B. Velos sa kanyang welcome remarks. Sa kanyang pagpapatuloy, kanya ring sinabi na “Pero, nang ako ay paliwanagan ng mga taong simbahan, na ito ay parte na ng tradisyon sa Sentro Pilipino, at isa ring paraan para lalo pang mapalapit ang mga OFWs sa simbahan, hindi ko na rin tinutulan ang ideya ng paligsahan, bagkus, akin pa itong sinuportahan.
Isa rin kasi itong paraan para mapanatili ang pagdadamayan at pag-kakaisa ng mga manggagawang Pilipino na kasalukuyang naghahanap-buhay dito sa Italya.”
Siyam na naggagandahang kandidata na kumatawan sa siyam na organisasyong bumubuo sa Sentro Pilipino ang naglaban-laban para sa titulong MISS PUDENZIANA 2010: Ms. Theresa Alba (Evangelizer), Ms. Angelica Campo (The Living Tabernacle Charismatic Group), Ms. Arianne Grace Aranzaso (Sta. Cecilia Choir), Ms. Daisy Bayno (Friends of Scalabrinian), Ms. Engracia Gamboa (Commentatore & Lecture Guild), Ms. Jelaine Pigar (Our Lady of Anunciation), Ms. Loida Strada (Karilagan), Ms. Angelica Lopez (Usherettes) at Ms. Pilar Toribio (Mary Immaculate Concepcion).
Tinanghal na MISS PUDENZIANA 2010 ang kandidata ng grupo ng Usherettes na si Ms. Angelica Lopez na siya ring nakakuha ng Best in Evening Gown sa Long Gown Competition. Nakamit ng rapresentante ng Evangelizer Group ang first runner-up title, samantalang tinanghal naman na second runner-up si Ms. Jeliane Pigar ng Our Lady of Anunciation. Nakamit ni Ms. Engracia Gamboa ang Miss Friendship Award at dalawang kandidata ang tinangal na Best in Talent, sina Ms. Angelica Campo at Ms. Loida Strada.
Ang mga naging mga hurado ng patimpalak ay kinabibilangan nina Ms. Isabelita “Beleth” Aquino ng Mabuhay Trading and Services, Ms. Nancy Pantoja, ATN, at Chairman of the Board of Judges ng patimpalak, at ng inyong lingkod. Naging masaya ang palatuntunan dahil na rin sa presensa nina Mr. Art at Ms. Joy Rabara bilang mga hosts.
Nakisaya din sa nasabing okasyon ang reigning Miss Pudenziana 2009 na si Ms..Anne Pasqual na siyang naggawad ng korona sa tinanghal na reyna ng Santa Pudenziana swa taong ito.
Ang lahat ng mga taong dumalo sa patimpalak ay hindi napigilang sumayaw sa inihandang awitin ng Tancio Sisters, sina Hanna Thea at Kristine bilang mga espesyal na panauhin. Hindi rin naman nagpahuli ang mga iba pang guests tulad ni Mr. Robert Jacinto sa isang Michael Bubble song number. May halong magic naman habang kumakanta ang gimik ng minsan ng nanalo sa The Singing Soldier Contest ng isang sikat na noon time show sa Pilipinas, si Mr. Ariel Basiniblo.
Dumalo rin sa koronasyon ang ating Consigliere Aggiunto al Comune di Roma, Mr. Romulo Salvador na naghatid ng mga magagandang balita tungkol sa mga bagong programa ng Comune di Roma para sa ating mga dayuhan.
Kapansin-pansin ang naging kaayusan ng selebrasyon hanggang sa matapos ang programa, kaya hindi naman nasayang ang pagod sa ginawang preparasyon ng mga coordinators ng Sentro Pilipino sa pangunguna ni Ms. Nelie Mendoza at ng atin mismong pinakamamahal na Chaplain, Fr. Romeo B. Velos. Matagumpay na naisakatuparan ang mismong tema ng anibersaryo: Pagkakaisa at Pagdadamayan ng Isang Tunay na Komunidad.
Maigsing Kasaysayan ng Santa Pudenziana Filipino Community sa Italya
Labingsiyam na taon na ang nakakaraan magmula ng makamit ng libo-libong migranteng Pilipino sa Italya ang pagkakaroon ng isang lugar para magsilbing “point of reference” sa kanilang pangangailangang ispirituwal, moral, sosyal at kultural. Ito ay naisakatuparan nang ang mismong yumaong Pope John Paul II ay nagbigay ng kautusan kay Cardinal Camillo Ruini na maghanap ng angkop na simbahan na naaayon sa pangangailangan ng mga Pilipino – na magsisilbing “Church for Filipinos.” Hulyo 10, 1991 nang makatanggap ng tawag ang noong nakatalagang Chaplain para sa Filipino migrants, si Father Remo Bati, SDB mula kay Cardinal Ruini na naghahatid ng isang magandang mensahe.
Nakahanap na sila ng isang simbahang perpekto para sa pangangailangan ng mga Pilipino sa Italya, ang BASILICA OF SANTA PUDENZIANA sa Via Urbana, 160. Nakadikit sa basilikang ito ang Marian Youth Center (Oratorio Mariano) na kinabibilangan ng iba’t-ibang silid, pook palaruan, gymnasium hall at limang palikuran. Nasa kanang bahagi naman nito ang isang dati ng kumbento. Sa ibabang bahagi ng basilika matatagpuan ang guard house ng basilika na ngayong ginawang Chaplain’s Office.
Ang basilika ay malapit sa sentrong istasyon sa Roma na kung saan ang karamihan ng mga migranteng Pilipino ay nagtitipon-tipon tuwing may libre silang panahon. Napakadali rin itong matagpuan dahil ito ay nasa sentrong bahagi ng Roma. Isang angkop na lugar para sa Filipino Catholic Chaplaincy, the Church for the Filipinos in Rome.
Ang sambahayang Pilipino ay lubhang nagpapasalamat sa yumaong Holy Father Pope John Paul II sa pamamagitan ni H.Em. Camillo Cardinal Ruini sa pagpapaunlak nilang magkaroon ng sariling simbahan ang mga Pilipino sa Italya. Noong Oktubre 6, 1991, isang inagurasyon ang idinaos sa nasabing basilika, ang “Cappellania Cattolica Filippina” na ngayon ay nakaugalian na nating tawaging Sentro Pilipino. Ang basilika ay binasbasan sa presensa ng ating H.Em. Jose Tomas Cardinal Sanchez, Prefect Emeritus, Congregation for the Clergy. (Rogel Esguerra Cabigting – AAP)