Para kay Melbourne Aquino, tulad kina Migz Salazar, Joe Datuin, Kate Molina at Jun Guico Cruz, ang Biennale ay di kumpetisyon. Kongkretisasyon at ekspresyon ito ng pagmamahal sa bayan, arte at sining.
May mga anino ang bawat pangalan. Mga di kilalang bayani sa larangan ng arte at kultura. Instrumento sa palikha ng posible sa malabutas ng karayom na patimpalak. Mula sa bawat bahagi ng mundo, sa iisang mundo ng mga pintor, tagalilok, tagahabi ng kasaysayan sa entablado. Sa harap ng mga mapanglisik na mata at malikot na imahinasyon.
Nakasabit ang isang obra sa loob ng Biennale sa Florence. Sa ibaba ng 2.5×2 metro kwadradong dibuho, sa bandang kaliwa, Melbourne Aquino, “The Oligarchy” tanging titulo, walang anino, o kaluskos sa tapat. Tahimik at walang alingasngas. Takaw pansin subalit pipi at umid ang dila na sana ay magpapaliwanag sa tema ng kanyang obra. Ano, saan at para kanino?
Sino ba si Melbourne? Pangalan na hango sa halagang bente-mil na siyang ginamit ng kanyang magulang mula Cuyapo patungong Maynila. Panganay na anak nina Danilo Aquino at Dionisia Aquino, isang OFW sa Hongkong. Nagtapos ng BS Fine Arts Major in Painting sa University of the East Caloocan. Isang tunay na alagad ng sining si Melbourne Aquino, kinilala at ginawaran na siya ng pagkilala: 1999 On the spot painting competition UE (3rd), Metrobank ( finalist 1999), UST on the Spot (finalist 2000),Shell (1998 finalist), at nitong 2000 at pinalista sa NOKIA Art Competition, Honorable Mention sa GSIS Annual Painting Competition (2010), Honorable Mention sa AAP On the Spot Painting Competition (mula 2013-2016), naging Nominado sa 13 Artist Award ng CCP (2012), at Outstanding Artist Awardee sa My City, My SM, My Art (2016).
Tulad ng mga batikan at popular na pintor, iskultor na kalahok sa Biennale Firenze – Migz Salazar, humakot na rin ng iba’t-ibang parangal sa pusod ng Florence, Venice, Argentina at Athens Greece; Joe Datuin – Pinagkalooban ng ANI ng DANGAL Presidential Award sa Pilipinas at Grand Prize mula sa International Olympic Sports and Arts Contest bilang Maestro sa larangan ng paglilok at pagpipinta; Nasser Lubay, nagkamit ng Celeste International Art Prize Awardee sa Germanya.
May ilan pa na taglay ang apilyidong Pinoy, subalit dinagit ng Agila ang kanilang galing at talento. Sina Kate Molina mula New York at Jun Guico Cruz mula Philadelphia ng Estados Unidos.
Hangad din ni Melbourne na makapaghatid ng parangal para sa bansa. Hindi man makilatis ng marami ang hilatsa ng kanyang mukha, wala mang nakarinig sa garalgal ng kanyang boses at nakagagap ng eksaktong paliwanag sa kabuluhan ng kanyang likha, para sa komunidad ng Pilipino sa Italya, nakarating pa rin ang kanyang mensahe. Nakilala pa rin ang di mapag-imbot na pangarap.
Pangalawang pagtatangka na ni Melbourne na makarating sa Italya. Katulad ng 2015, nabigong makatapak ang kanyang mga paa kung saan sumibol ang Renaissance Era. Kung saan yumabong ang mga pampolitikang pag-aaral, umunlad at lumaganap ang pagtangkilik sa arte, kultura at mga makataong pananaw sa mundo. Ganoon pa man, bato-balani pa rin itong humihigop at nang-aakit sa sinumang nangangahas na lumikha ng kasaysayan sa malabutas ng karayom na tunggalian ng pinakamahusay sa pagpinta at iba pang disiplina.
Kung ating pag-aaralan, sugal ang lahat ng ito. Nakataya ang pangalan, panahon, ipon, utang na loob ( tulad ng di matatawarang paghahatid ni Migz sa lahok na pinta ni Melbourne) sa Biennale, sama ng loob at panghihinayang. Tortyur sa isip at damdamin. Ngunit anoman ang kahinatnan, sa bandang huli ng karera – walang pag-iimbot at kusang iaalay sa bayan ang tagumpay. Huli man kung mapag-laanan ng pansin.
Para sa kanila, ang Biennale ay di kumpetisyon. Kongkretisasyon at ekspresyon lamang ito ng pagmamahal sa bayan, arte at sining.
Ang Florence Biennale ay ika-labingisang (11th)pagtitipon-tipon ng mga pintor at artistang biswal mula sa pitongput-dalawang (72)bansa, apat na raang (400) di pangkaraniwang likhang-sining.
ni: Ibarra Banaag