Magarbo, masaya at puno ng pagkakaisa ang ginanap na Gala Night sa Modena sa pangunguna ng La Comunita Filipina di Modena o COFILMO.
Modena – Isang magarbo, masaya at puno ng pagkakaisa ang ginanap na Gala Night ng Filipino Community sa Modena sa pangunguna ng La Comunita Filipina di Modena o COFILMO nitong Setyembre.
Panauhing pandangal si Honorable Gian Carlo Muzzarelli, ang mayor ng Modena na nakikiisa sa adhikaing wasakin ang mga balakid para sa iang tunay na integrasyon. Ayon sa alkalde ang pangunahing dahilan ng kanyang pagdalo sa okasyon ay ang maging ehemplo nito.
“Hindi hadlang ang kulay ng balat, ang relihiyon, ang uri ng trabaho maging ang bansang pinagmulan upang mamuhay ng sama-sama at matiwasay”, aniya.
Sa katunayan, ayon pa sa alkalde, ay kanyang isinusulong ang ‘Ius soli’ o ang reporma sa citizenship ng mga batang ipinanganak at lumaki sa Italya. Ito umano ang tunay na bunga ng integrasyon.
Nagtampok din ang pagdiriwang ng mayamang kultura at makukulay na traditional dances na ipinamalas ng Bahaghari Dancers ng Reggio Emilia. Kabilang ang Pandango sa Ilaw, Subli, Igorot dance, Sinulog, Corazza, Muslim dance at Singkil na tunay namang hinangaan ng mga panauhin.
Hindi rin nawala ang fashion show kung saan inirampa ang magaganda’t makukulay na filipiniana dress. Inirampa rin ni Mayor Muzzarelli ang handog na Barong ng Cofilmo na suot ng alkalde sa pagtitipon.
Dumalo din sa pagdiriwang sina Atty. Corina P. Bunag, ang Labor Attachè ng PCG Milan at Consul General Charlie Manangan, ang Charge d’Affairs ng Philippine Embassy to the Holy See.
Nakiisa rin sa pagdiriwang sina Dott. Cristiano Cremaschi, Director BPER- Banca; Engr. Luca Cesarini, Manufacturing manager & Logistic Engineering MASERATI MOTORS SPA; Sig.ra Solange Taila, Innovation Office and Social Business Manager; Atty. Paul Francis Sombilla, first Filipino Lawyer; Sig. Maurizio Dori, President (CMIS) Modena; Sig. Pietro Bruno, Director Una Hotel at Don Graziano Gavioli, Parroccho di San Agostino Modena.
Lubos naman ang pasasalamat ng bumubuo ng Cofilmo sa pangunguna ng presidente na ni Consorzio Amado.
“Maraming salamat po for visiting Modena, the city of Motors during the traditional annual Gala Dinner. Sa lahat ng dumalo at patuloy na sumusuporta, kay Mayor Gian Carlo Muzzarelli. Mabuhay po tayong lahat na mga Pilipino sa Italya”.