Idinaos kamakailan ang isang webinar ukol sa wikang Filipino, mula sa pangangasiwa ng news website na Ako Ay Pilipino. Ito ay sa pakikipag-tulungan ng mga samahang OFW Watch Italy, Alyansa ng Lahing Bulakenyo (ALAB) at Guardians Emigrant Italy.
Ano ang Wikang Filipino?
Ito ang naging tema ng talakayan. Ito ay ukol sa Ugnayang Wika, Kultura at Buhay-Migrante sa Italya.
Bagay na ipinagtaka ng ilan dahil hindi naman ipinagdiriwang ang Linggo ng Wika, sa halip ay buwan ng Kapaskuhan. Ngunit ang laman ng presentasyon at diskusyon ay naka-antig sa diwa ng pagka-Pilipino sa 22 kataong nagsidalo sa virtual forum. Hindi pala dapat manatili ang ating kaisipan sa nakakahong ideya na ang pagtalakay sa wikang pambansa tuwing Agosto lamang.
Ang Panauhin
Maayos at malinaw ang pagpapaliwanag ng resource person na si Bb. Deane Camua. Isang guro sa Bulacan State University sa Malolos, Bulacan, at Program Head ng BA Malikhaing Pagsulat. Siya ay nagtapos ng MA Panitikan ng Pilipinas sa Unibersidad ng Pilipinas sa Diliman. Isa siyang manunulat, mananaliksik, taga-salin ng wika at editor. Siya rin ay isa sa tagapagtatag ng samahang Lunduyan ng mga Bulakenyong Artista at Manunulat.
Ang Talakayan
Sa pamamagitan ng punong-patnugot ng AaP na si Pia Gonzalez-Abucay, bilang moderator, naging masigla at malalim ang mga diskusyon.
Pangunahin na rito ang kung ano nga ba ang pinagmulan ng wikang Filipino. At kung bakit mula sa dating kinikilalang wikang pambansa na Tagalog o Pilipino ay naging Filipino. Lingid sa marami, ito ay batay sa Konstitusyon ng Pilipinas noong 1987.
Naging katambal pa ng wikang Filipino ang wikang Ingles bilang opisyal na wika ng Pilipinas. Ang ating wika ay binubuo ng mga salita mula sa Tagalog at may kahalo din ng iba pang lenguwahe. Pangunahin din itong ginagamit kahalo ng Ingles sa medya, mga paaralan, kabahayan, opisina at lugar-panggawa.
Tinalakay din ang katangian ng sariling wika at ang kabuluhan nito bilang wika ng bayan. At kung ano ang pananaw ng taumbayan sa gamit nito bilang wikang intelektuwal at global. Nabigyang-pansin din ang kolonyal na mentalidad ng mga Pilipino lalo at higit na naging bihasa sa paggamit ng wikang banyaga. Partikular ang wikang Espanyol noon at kalaunan ay ang wikang Ingles hanggang ngayon.
Isa sa naging diskusyon ay ang dapat bang paggamit ng sariling wika kahit na namamalagi na sa ibang bansa. Kabilang dito ang pagtuturo nito sa mga bata na isinilang sa Italya, lumaki at dito na nakapag-aral.
Karanasan ukol sa Wika sa Italya
Marami sa mga pamilya dito ang nagkaroon na ng mga karanasan sa kanilang mga anak na di makaintindi o makasalita ng wikang Filipino.
Sa katunayan, ayon sa ilang kabataan na kasama sa webforum ay hindi madali ang matutuhan ang pagsasalita at pag-intindi. Dahil bukod sa wikang filipino ay may sarili ding dayalekto mula sa pinagmulang probinsiya ng kanilang mga magulang. Ito ay isang malaking bahagi sa mga karanasan ng mga migranteng Pilipino.
Sa pagtatapos, masasabing naiparating ang layunin nito na maibahagi ang kabuluhan ng wikang Filipino, ang kasaysayan, kahulugan at katangian nito. Ang ugnayan ng wika at kultura na bahagi ng mga karanasan ng mga migrante sa Europa.
Nagtapos ang forum nang may paghahangad na magkaroon pa rin ng karugtong na talakayan. Marahil ay ang pagbabahagi naman ng karanasan ng mga kabataang namumuhay, nag-aaral o naghahanapbuhay na dito sa Italya. (ni Dittz Centeno-De Jesus)