Milan – Hunyo 26, 2013 – Naging matagumpay ang pagdiriwang ng ika-115 taon ng Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng bansang Pilipinas sa Milan. Sinimulan sa ‘Misa ng Bayan’ na ginanap sa Caravaggio, Italy noong June 2, 2013. Sinundan ng cultural dance performances sa pamamagitan ng Bayanihan Dance Company na ginanap sa Teatro dal Verme sa Cairoli, Milan noong June 9, 2013, at nagtapos ang nasabing selebrasyon sa Idroscalo, Milan, Italy na pinamagatang “PHILIPPINE KALAYAAN FIESTA 2013 noong June 16, 2013.
Sa panayam ng Ako ay Pilipino kay Milan Consul General Lourdes S. Tabamo, ng Milan Consulate na namumuno sa pagsasagawa ng mga engrandeng okasyon tulad Araw ng Kalayaan, ay kanyang pinasalamatan ang tulong at kooperasyon ng buong Filipino community na kinabibilangan ng iba’t ibang religious groups , NGO’s at iba pang mga grupo at asosasyon sa Milan dahil ito ay nagresulta sa isang maayos at matiwasay na pagdiriwang.
Ayon pa sa Consul General, buwan pa lamang ng Marso ay kanila na itong pinaghandaan. Idinagdag pa niya ang dahilan kung bakit nahati ang pagdiriwang ng nasabing okasyon sa tatlong bahagi: “Ito ay upang mabigyan ng pagkakataong dumalo ang lahat ng mga kababayan natin dito sa Milan at sa ibang lugar na pumili sa mga nasabing petsa na kanilang maaaring daluhan”.
"Nakamtan natin ang kalayaan at tahakin ang landas tungo sa naayon na kinabukasan para sa ating mga sarili at para sa ating bayan”, bahagi naman ng mensahe na ipinarating ni Pangulong Benigno Aquino III sa mga Pilipino dito sa Italia, tulad ng nasasaad sa kanyang liham.
Ayon pa kay ConGen Tabamo “Tayo ay hinimok ng Pangulo na pagtibayin ang pag-ibig sa tinubuang bayan at buhayin ang diwa ng bayanihan at pagtutulungan, ang pagkakaisa at bawat Pilipino ay may kanya kanyang resposibilidad tungo sa tuwid na daan”.
Sa isang bahagi naman ng mensahe ni Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario ay nanawagan ang Kalihim sa mga Pilipino sa buong mundo na makiisa sa mga proyekto ng ating gobyerno ukol sa pagpapaunlad ng ekonomiya at social progress, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng kapital para sa pagtatayo ng mga negosyo sa Pilipinas. Malaking tulong diumano ang maibibigay ng mga Overseas Filipino Workers o OFW sa layuning ito, ayon pa sa Kalihim.
“Inaasahan ang manggagawang Pilipino upang makamtang ang kaunlaran lalo na sa mga proyektong pang ekonomiya”, ang mensaheng mula naman kay Labor and Employment Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz.
Bukod dito, ay nagkaroon ng mga cultural presentation na nilahukan ng iba’t ibang grupo. Samantala sa mga booth ay abala naman ang mga negosyante sa promosyon ng kanilang mga produkto. Ang mga grupo at mga asosasyon ay nagpakita din ang kanilang pakikiisa sa pagdiriwang.
Bago matapos ang programa ay ginanap ang pinakahihintay na raffle ng bawat kababayan. Isang NGO sa Milan, sa halagang dalawang euro bawat ticket, ay nagbigay ng pagkakataong manalo ng isang bahay at lupa.
Pasasalamat mula kay Consul General Lourdes Tabamo sa buong Filipino communities sa Milan at mga grupo sa karatig lugar sa kanilang pagtangkilik sa mga proyekto ng Philippine Consulate sa Milan. (Ulat at larawan ni : Chet de Castro)