Mga katutubong sayaw, sabay-sabay na pagwagayway ng bandilang pilipinas at oath taking ng Ilocano Community Officers ang tampok sa pagdiriwang ng 118th Phil Independence Day Celebration sa South Italy.
Reggio Calabria, Hunyo 16, 2016 – MGA katutubong sayaw, mensaheng inspirasyonal, pagtaas ng bandila ng bansang Pilipinas, at sabay-sabay na pagpapalipad ng lobo habang may mga hawak na flaglets ang tampok sa 118th Philippine Independence Day celebration sa South Italy.
Itinaon din ito sa panunumpa sa panunungkulan o oath taking ceremony ng mga opisyal ng bagong tatag na Ilocano Community Reggio Calabria Chapter (ICOM) kung saan binigyang tema ang okasyon na “Tinulong Para Iti Panagkaykaysa” (Aiutandosi Per L’Unita).
Suot ang mga barong, saya at katutubong damit ng mga kalahok sa programa, ipinamalas nila kung papaanong ang mga Pilipinong malayo sa sinilangang bansa ay magkaisa sa ganitong pagkakataon.
Ayon kay Rey Rebudal, presidente ng ICOM, ginawa nilang makahulugan ang paggunita ng kasarinlan upang makita ng mga kabataan at ipamalas sa kapwa mamamayang Pilipino na nasa bahaging ito ng Italya ang pagmamahal sa kalayaan, kasarinlan at kultura.
Ang okasyon ay ginawa sa Dopolavoro Ferroviario Hall kung saan nagbigay din ng inspirational message ang kinatawan ng Comune, Nicola Paris, ang Consigliere Comunale at Domenico Lagana, ang Presidente ng CONI at mga lider ng iba’t ibang asosasyon, sibiko at simbahan tulad ng Knights of Rizal (KCR), Associazione Communita Cattolica Filippina (ACCF), Word for World, Forza Filippine, Jesus is Lord, Seventh-day Adventists Group, FilCom RC, at Unified Filipino Workers (UFWRC).
Masaya, makulay at nakaka-aliw na sa bawat indak at kumpas ng mga kamay at paa sa sayaw na “bulaklakan”, “pandanggo sa ilaw” “igorot dance” at “muslim dance ng ICOM dancers ay naipakita ang gandang Luzon, Visayas at Mindanao.
ni: Rosas Olarte