Gabby Concepcion at Giselle Sanchez, pinaligaya ang mga Pinoy sa pagdiriwang ng ika-113taong selebrasyon ng Araw ng Kalayaan.
Firenze – Ang pinakamalaking selebrasyon ng ating ika 113 taon ng Araw ng Kalayaan at paggunita sa ika 150 kaarawan ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal ay ipinagdiwang rin sa Firenze at buong rehiyon ng Toscana. May isang libong Pilipino ang kabilang sa 75 organisasyon, komunidad, religious sectors, civic, cultural groups, delegasyon ng lahat ng Guardians sa Toscana at business sectors ang nakiisa at nakisaya sa naturang okasyon. Malalaking personalidad rin ang mga pandangal na panauhin sa pangunguna ng ating mahal na Ambasador Romeo Manalo, Mayor Mateo Renzi ng Firenze, Honorary Consul Dr. Favio Fanfani, Regione Toscana Councilors Monica Sgherri and Lorenzo Marzullo at ang nagpaligaya sa mga Pinoy sina GABBY CONCEPCION AT GISELLE SANCHEZ. Nanumpa ang bagong tatag na samahan ang Filipino Nurses Association of Tuscany-FNAT.
Masayang binati at nag pasalamat sa lahat ng mga kababayan sa Toscana si Ambasador Romeo Manalo ngunit nalungkot ang marami ng ito ay mamaalam dahil sa nalalapit na pagreretiro sa katapusan ng Hunyo. Sa maikling panunungkulan ni Ambasador Manalo marami ang napamahal sa kanya, isang ambasador ng pang masa, madaling lapitan at imbitahin sa mga Pilipino events, nakikinig sa mga problema at handang tumulong sa abot ng kanyang kakayanan. Kaya naman saludo ang mga Pinoy sa Toscana.
Ginawang modelo ni Mayor Mateo Renzi ang mga Pilipino sa lahat ng mga banyaga sa Integrasyon sa lipunan. Ayon dito ang mga Pilipino diumano ay madaling pakisamahan at nangunguna sa hospitalidad.
Sa isang bahagi ng programa ay inihandog ni Sig. Luca Piscupu executive ng NEOS Finance sa kanyang “Mi Ultimo Adios” na isinalin sa wikang Italyano. Ngunit sa kalagitnaan ng kanyang pagbabasa ay biglang lumakas ang hangin na muntik ng ikasira ng entablado. Marami ang nag biro na isang paramdam daw si Jose Rizal ang mga naging kaganapan.
Naging mahalagang bahagi ang PHOTO CULTURA exhibition ng Ugnayan ng Komunitang Pilipino-UKP. Ang awarding ng mananalo ay gaganapin sa pagdiriwang ng Filipino-Italian Friendship Day sa Septembre 2011.
Sumigla ang lahat kahit sa kainitan ng araw ng dumating ang “menu of the day” na kahit pagod sa biyahe dahil galing pa ng Monacco bahagi ng kanilang caravan tour na handog ng TFC Channel ng ABS/CBN, Century Properties at Western Union, ay nag bigay kasayahan at kaligayahan sa mga pinoy ang actor na si GABBY CONCEPCION AT GISELLE SANCHEZ. Kuwela at bago ang mga jokes ni Giselle, magaling din siyang umawit kaya nagiliw at nasiyahan ang mga manonod. Pinag piestahan naman ng mga kababaihan na gustong makahalik at makalapit kay Gabby na buong puso niyang pinag bigyan habang siya ay umaawit.
Ang okasyon ay naging malaking tagumpay dahil sa pakikipagtulungan ni Honorary Consul Dr. Favio Fanfani, Confederation of Filipino Coordinating Leaders of Tuscany sa pngnguna ni Pres. Val Capsa, Vice Pres. Dennis Reyes, Board of Councils na sina Divina Capalad at Willy Punzalan, katulong sina FCCF Pres. Rey Rivera, Lani Alonzo, Pabs Alvarez, Elmer Clemente, Jun Macatangay, Ponciano Penuliar at FIG Group at sa Lahat ng mga Guardians na tumulong sa peace and order. Ang okasyon ito ay naipalabas sa tatlong TV Channel ng Italya sa RAI 3, TG Toscana at Canale 7 at nailathala rin sa mga pahayagan Italyano.
Maraming Salamat at Mabuhay ang ipinararating ng Confederation of Filipino Leaders in Tuscany sa lahat ng dumalo, nagperform/nagparticipate, sponsors at mga tumulong sa naging matagumpay na pagdiriwang. (ni ARGIE GABAY)