“We have flown the air like birds, and swum the sea like fishes, but have yet to learn the simple act of walking the earth like brothers”
Montecatini – Ipinagdiwang nitong Disyembre 2016 ng mga kasapi ng Guardians International, na mas kilala sa tawag na “GI” ang anibersaryo ng pagkakatatag sa Montecatini Terme, Toscana .
“We have flown the air like birds, and swum the sea like fishes, but have yet to learn the simple act of walking the earth like brothers”, ito ang slogan ng nabanggit na pagdiriwang at hango sa isang kasulatan ni Martin Luther King Jr. Pagkakaisa at pagpapahalaga sa kapatiran ang dalawang elementong binigyang diin ni Quintin Kentz Cavite Jr., Presidente ng nasabing asosasyon sa kanyang mensahe. Ayon sa presidente, kung walang pagkakaisa at respeto sa loob ng isang asosasyon ay wala itong mararating.
Pangunahing panauhin sa nasabing pagdiriwang ang Assessore alle attività produttive ng Montecatini Terme na si Sig.ra Helga Bracali. Humanga ang Assessore sa ipinakitang kakayahan ng asosasyon na tumulong sa mga nangangailangan hindi lamang sa Pilipinas kundi pati sa mga nangangailangan sa Italya.
Lubos nyang ikinagalak na maging bahagi ng pagtitipon dahil ito umnao ang unang pagkakataon na siya ay naimbitahan na maging panauhin ng isang asosasyon ng mga imigrante. Maganda at positibo ang kanyang tingin sa komunidad ng mga pilipino sa Comune ng Montecatini dahil sa ipinapakitang nitong kakayahan na makiisa sa sosyudad para sa mas matahimik at produktibong integrasyon. Sa katunayan ay nangako ang Assessore na magiging bukas ang mga kamay ng Comune ng Montecatini sa pakikipagtulungan sa mga adhikain ng GI.
Hindi rin makakalimutan ng mga miyembro ng GI ang malaking naitulong ni Sig. Giuseppe Pezzino, Presidente ng Confconsumatori ng Provincia di Pistoia na buong pusong tumutulong sa asosasyon upang makalapit sa comune ng Montecatini para sa ilang proyekto nito.
Dumalo din sa pagdiriwang ang itinuturing na Spiritual father ng mga taga-Montecatini, ang Parish Priest ng Parrocchia di Maria SS. Madre della Chiesa (Vergine dei Pini) ng karatig-bayang Monsummano Terme na si Don Bernie Del Rio na nagbigay ng kanyang basbas sa lahat ng dumalo.
Pinaunlakan din ng mga opisyales ng isang organisasyon na Non-profit, ang SOS ITALIANI, na kinabibilangan nina Consuelo Corti Jr., Giancarlo Laurilio Ciofi, at Elvira Mugar Jugado ang imbitasyon ng GI sa nabanggit na pagdiriwang. Ang mga kasapi ng SOS Italiani ay masayang nakipagdiwang at ang kanilang mensahe ay may kalakip na pangako na pagtitibayin ang pakikipag-ugnayan sa GI para maisakatuparan ang mithiin ng bawat grupo na makatulong sa mga mas nangangailangan, sa Pilipinas man o sa Italya.
Laking pasasalamat ng GI Family sa lahat ng nakiisa sa mahalagang pagdiriwang lalong lalo na sa Guardians Solid Brothers International (GSBII) Bronze Wing Firenze Chapter, Guardians Marilag Group Montecatini, UGBII Lucca, RBGPII Firenze Chapter, Knights of Rizal Firenze Chapter, Boss Foundation, GI Vatican City Legion, GI Rome City Legion, GI Italy National Legion at kina Christopher Rada at Aileen Calangi na nanggaling pa sa Modena para lamang makiisa sa pagdiriwang ng pamilya ng GI-MTIL.
Ang pagdiriwang naging maayos at masaya na isa lamang pagpapatunay na ang lahat ay posible kung mayroong pagkakaisa sa isipan at puso ng bawat isa.