Sa gitna ng pandemya, nairaos nang may pag-iingat ang simpleng eksibit ng ilan sa mga baguhang pintor at dibuhista sa Bologna. Ito ay ginanap noong ika-25 ng Oktubre, 2020, araw ng Linggo, sa Chiesa della Madonna dei Poveri sa Via Nosadella 4, Bologna.
Matatandaang hindi natuloy noong Marso ang dapat sana ay workshop at eksibit dahil sa nagkaroon ng lockdown ang buong Italya dulot ng pandemya ng Covid19. Kaya’t kahit sa madaliang paghahanda ng Madittz Arte Creativa at ng Filipino Christian Community of Bologna (FCCB) sa koordinasyon nila Delia Ramos at Benny Lauzon sa kura paroko ng Chiesa na si Don Paolo Gazzotti, naidaos ang eksibit sa patyo ng simbahan. Inanunsyo din ni Don Paolo ang eksibit, matapos ang misa ng araw na iyon kung kaya nagtungo din ang mga dumalo sa misa at humanga sa mga likhang-kamay ng mga Pilipinong artista. Nagtungo din ang mga opisyal at miyembro ng FEDFAB, LAFA, ALAB at FWL, maging ang grupo ng Marias Zumba.
Ang mga ipinakilalang dibuhista ay sina ANALIZA ROGADO ORNO, FRANCIS RILI, MARIBEL NAUNGAYAN, RODELIA PALEJON, ang mag-asawang DONATO AT DELIA GABATIN at ang magkapatid na sina LAURA MAY at VICTOR FULO. May iba pa sanang kasaling mga Pilipino dangan nga lamang at hindi nakapaghanda agad at maaaring sa susunod na eksibit na lamang makasama.
Tatlo sa kasali, sina Rodelia, Donato at Delia, ay produkto ng workshop na isinagawa noon ng MaDittz Arte Creativa. Ang iba naman ay may karanasan na sa pagguhit at ang magkapatid na Fulo ay mga baguhan pa lamang. Ang kanilang medium na ginamit ay oil, pastel, water color at lapis.
Ito ay unang hakbang ng FB Group na Likhang-Sining Bologna, upang mapakilala ang mga pintor at dibuhistang Pilipino na sa pahina lamang ng Facebook nakikita ang mga gawa at tuloy bigyang-inspirasyon din ang iba pang may angking talento sa pagguhit na maibahagi ito sa madla. (ni: Dittz Centeno De Jesus)