Sa pagpasok ng taong 2019, naging pambungad ng Philippine Consulate General ng Milan ang pagsamahin sa isang pagkakataon ang mahigit sa 175 lider at miyembro ng mga asosasyon, pederasyon at mga samahang sibiko at relihiyoso, upang maibahagi ng Konsulato ang mga bago nitong programa, polisiya at mga plano para sa taong 2019. Kasama din dito ang mga bagong patakaran at benepisyo na nakapaloob sa mga ahensiya ng gobyerno gaya ng POLO-OWWA, PAG-IBIG at SSS.
Ang programa ay sinimulan sa pamamagitan ng pag-awit ng Lupang Hinirang, sinundan ng pagpapakilala ni Consul MANUEL MERSOLE MELLEJOR kay Consul General SUSAN NATIVIDAD para sa pambungad na pananalita. Dito ay binanggit niya ang apat niyang layunin sa pag-iimbita sa mga lider ng komunidad. Una ay ang marubdob na pasasalamat sa buong komunidad dahil sa suporta at pakikitaguyod sa mga programa ng Konsulato. Ikalawa, ang pag-uulat niya sa mga nagawang proyekto at mga naisakatuparang serbisyo. Ikatlo, ay ang paglalahad ng mga isasalang na mga bagong programa mula sa mga attached government agencies na mas magiging kapaki-pakinabang sa lahat, At ang ikaapat ay ang pagpaplano para sa isang malakihang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa darating na buwan ng Hunyo.
Batid natin na ang Konsulato ay may limang mahahalagang gampanin. Una rito ay ang probisyon na magkaloob ng serbisyo konsular, ang Assistance to Nationals para sa mga partikular na suliranin ng mga manggagawa, ang pang-ekonomikong diplomasya, pang-kultural , pampolitikal at seguridad. Ang lahat ng ito ay ginagampanan sa kabuuang hurisdiksiyon sa walong rehiyon sa Hilagang Italya, sa mahigit na 119,500 na mga Pilipino. Ang serbisyong konsular ay naisagawa sa loob ng bagong edipisyo at sa labas sa pamamagitan ng mga mobile consular service tuwing Sabado at Linggo, kung saan ay narating nito ang iba pang malalayong siyudad. Bukod pa rito ay ang dalawang beses na pagbubukas sa opisina sa araw ng Linggo.
Sa bahagi naman ng pang-kultura, ay nanguna din ang Konsulado sa partisipasyon sa Venice Biennale. Nagbukas din ng maliit na sinehan para sa mga pelikulang Pilipino, ipinalabas ang dokumentaryong Bontoc Eulogy at mga eksibit ng mga mahuhusay sa arte na mga Pinoy. Ang edipisyo ay bukas rin sa mga talentadong OFW na nais magkaroon ng eksibit ng kanilang obra at mga produkto.
Isang magandang balita rin ay ang pagbubukas sa araw ng Linggo ng anim na beses na sa taong ito upang maserbisyuhan ang mga Pilipinong sa araw lamang ng Linggo makakatungo sa Konsulato.
May mga iskedyul na rin ng pagpunta sa mga siyudad para sa pagbibigay ng mga pasaporte, sa halip na magtungo pa sa Milano para makuha ito.
Sa nakaraang taon ng 2018, nagkaroon ng mga forum hinggil sa INPS, Migration Laws, VAWC para sa mga kababaihan, at drugs info campaign.
Sa pag-uulat naman ni Consul Mellejor, inihayag niya ang bagong website ng Konsulato na katatagpuan ng mga bagong impormasyon at komunikasyon. Ang isa pang bagong aabangan ay ang Filipino Community Corner kung saan ay maaaring magpadala ng publisidad ang mga organisasyon ukol sa kanilang mga gawain, proyekto at mga anunsyo. Ang bagong website niyo ay ang http://www.milanpcg.dfa.gov.ph/.
Sa bahagi naman ng POLO-OWWA, nag-ulat si Labor Attache CORINNA BUNAG ukol sa basic services ng Assistance to Nationals. Pati na ang mga naitulong nito sa mga Pilipinong nangailangan ng serbisyong legal , pinansiyal na tulong sa ilang partikular na kaso , pagresolba sa mga labor problems. Pagdalaw sa mg maysakit na nasa hospital at mga Pilipinong nakakulong sa piitan at iba pa ay naisagawa nito.
Nag-ulat din si OWWA Welfare Officer JOCELYN HAPAL ukol sa mga naisagawang skills training gaya ng IT Training, Competency, hair cutting, salon support services, maging ang mga forum ukol sa gender and development, women empowerment, capability trainings at iba pa. Sinabi rin niya ang pagpapatupad sa patakaran sa OWWA membership at renewal kung saan ang kailangan lamang ay ang pasaporte at kahit anong proof of employment. Ibinalita rin niya ang OFW E-card na inilunsad ang Phase 1 noong Oktubre 2018 kung saan ang mga may hawak na OEC at Permesso di soggiorno ay maaring mag-apply upang magkaroon nito nguni’t ang proseso at pagkuha ay sa ahensiya nito sa Pilipinas.
Ang mga attached government agencies gaya ng PAG-IBIG na pinamamahalaan ni Ms. MYLENE LONTOC at ang SSS na si Ms. NANCY MONTEALTO naman ang nag-aasikaso , ay nagpahayag din ng kani-kanilang programa at nagbalita ng mga bagong benepisyo para sa mga manggagawa .
Para naman sa pagpaplano para sa selebrasyon ng Araw ng Kalayaan, binanggit ni ConGen Natividad ang pagnanais niya na makabahagi ang komunidad sa pagdaraos nito sa pamamagitan ng mga komite na inaasahan niyang sasalihan ng mga piling lider para higit na maisaayos ang malaking programa na kapapalooban ng mga espesyal na presentasyon, mga cultural booth at iba pang magpapagunita sa kadakilaan ng mga Pilipinong bayani.
Pagkatapos ng mga pag-uulat ay binuksan na ang open forum kung saan ang mga isinumiteng mga katanungan at paglilinaw ay babasahin at tutugunan ng mg kinauukulan. Unang-unang nabigyan ng tugon ay ukol sa patakarang paghingi ng birth certificate sa mga nag-aaplay ng pasaporte, Nilinaw ito ni ConGen Natividad at sinabi niyang ang hihingan lamang ng birth certificate ay yaong may berde o brown passports o hindi pa e-passport at yaong mga bagong mag-aaplay, kabilang din ang undocumented applicant dito at mga bagong-silang (report of birth).
Ang citizen’s charter ay bukas sa lahat upang makita o mabasa dahil ito ay nasa mga tv monitor sa loob ng edipisyo. Ang extension of validity of passport ay maibibigay lamang sa mga balidong rason gaya ng death, court appearance, medical emergency at ibang isolated cases gaya ng immediate renewal of Italian documents. Ang extension of validity ay dapat lamang sabayan ng application for renewal, dito sa Italya o sa Pilipinas na.
Ang voter’s ID naman na ini-aplay noong taong 2018 ay wala pa sa Konsulato. Ang mga nagsipag-aplay naman noong bago mag-2016 ay i-request sa info counter upang maproseso na makuha.
Pinahayag naman ni Vice-Consul AWEE DACANAY na ang dating tatlong beses na mobile outreach services ay di na ipagpapatuloy bagkus ay idinagdag ang iba pang siyudad na pupuntahan at ang anim na beses na araw ng Linggo na ang edipisyo ay bukas para sa lahat. Sa mga nawalan naman ng kopya ng certificate of dual citizenship, maaari maka-request pa rin ng kopya nito.
Sa POLO-OWWA naman, wala nang hihingin pang red ribbon or authentication para sa mga magrerenew ng OWWA membership na di nagpalit ng employer. Ang mga isasagawang skills training ay ilalabas sa publisidad para sa kaalaman ng lahat at ang accreditation ay magmumula sa TESDA para sa on-site-assessment nito.
Ang pagpapalit naman ng status or gender para sa mga LGBT na nagpasiya nang magpalit ng kasarian ay sa Pilipinas pa rin isasagawa ang processing.
Marami pa sanang mabibigyang linaw sa diskusyon dangan lamang at kapos na sa panahon kaya binaggit ni Consul Mellejor na ang website ay bukas para sa mga katanungan at paglilinaw. Pati na ang Konsulato sa Milan na ang bagong address ay viale Stelvio 71 na bukas para sa lahat.
Ang asembleya ay nagtapos sa oras na mahigit na ika-apat ng hapon at nagsalo-salo ang lahat sa masarap na meryendang idinulot ng PCG Milan. Ang lahat ay nagsi-uwi taglay ang mahahalagang impormasyon at mga balita na kanilang ibabahagi sa kani-kanilang lugar para sa kaalaman ng lahat ng mga kababayang OFW sa Northern Italy.
ni: Dittz Centeno De Jesus
kuha ni: Jessica Bautista