Florence – Sa buong rehiyon ng Tuscany, lalong-lalo na sa probinsya ng Firenze ay kilalang kilala si Mr. Wilfredo Franco Punzalan, na mas ikinatutuwa kung tatawagin lamang siyang Willy. Naging halos bahagi na siya ng buhay ng bawat OFW na kasalukuyang nagta-trabaho at naninirahan sa Firenze dahil dalawang beses siyang nahirang bilang “Consiglieri Aggiunti” ng probinsya. Bukod pa dito, si Willy ay isang permanent volunteer sa tanggapan ng Honorary Consulate of Florence at coordinator ng Consular Outreach program ng ating embahada para sa Firenze. Idagdag pa natin dito na siya rin ang kahahalal lamang na Presidente ng DGPI-Florence Chapter. Sa kasalukuyan, siya ay empleyado bilang kaisa-isang Pilipinong staff ng Studio Vindi sa Firenze, isang sikat na tanggapan ng mga dentista sa buong Italya.
Ipinanganak siya noong Pebrero 18, 1963 sa Sta. Cruz, Mexico, Pampanga. Kinamulatan na niya ang kahirapan at ni minsan ay hindi niya ito ikinahiya. Sa katunayan, naging sandigan at inspirasyon pa niya ang kinagisnang kahirapan upang umasenso sa buhay at matupad ang minimithing mga pangarap. Salat man sa yaman ang kaniyang pamilya ay kilala at respetado naman ang kanilang angkan sa Pampanga. Bilang panganay ng anim na magkakapatid, wala na siyang inasam-asam kung hindi ang maiahon ang kanyang pamilya sa hirap.
“Mas masarap talaga ang tagumpay kung ito ay iyong pinaghirapan.” Ito ang mga unang nasambit ni Willy. Sa kagustuhang makatulong sa pagtataguyod ng kanilang pamilya, taong 1983, sa murang edad na 20 ay isang malaking desisyon ang kanyang isinagawa – ang subukan na mangibang bayan. Aniya “Madalas ko noon madaanan ang malalaking bahay na may malalaking gate doon sa amin sa probinsya (Mexico, Pampanga) na may mga nag-abroad. Ang gaganda rin ng kanilang mga damit at kumpleto sa mga appliances, so nag-isip-isip ako na makipagsapalaran ding mag-abroad. Bakit naman hindi?Nagkataon naman na nang mga panahon iyon ay may isang sikat na recruiter sa aming baryon a ang-papaalis daw kaya sinubukan ko.” Nagtulong tulong ang pamilya ni Willy na makahagilap ng kinakailangang PhP 20,000.00 bilang placement fee at $500.00 bilang show money para mangibang-bayan bilang turista.
Buwan ng Hunyo, ng taong 1983, matapos ang napakahaba at palipat-lipat na biyahe ay nakatapak si Willy sa Milan. Sa kanyang pagbabalik-tanaw ay kanyang nasabi na “Isang grupo kami noon na may dalang tourist visa pa-Europe. Tawid ang tawag pa namin noon sa ganoong procedure. Iba-iba ang aming destinasyon. Ako, naisipan ko lang na Italy, kaya nang makatuntong ako sa Milan, medyo nakahinga ako ng maluwag.” Pero hindi doon natatapos ang mga pagsubok sa buhay ni Willy nang makarating sa Italy. Bago sila maghiwalay sa Milan ng guide ay kinailangan pa niyang ibigay ang dala-dalang $500.00 na show money sa guide. Kaya bukod sa isang botilyang tubig at konting barya, tanging lakas na lamang ng loob ang naiwan kay Willy sa pagharap sa panibagong pakikipagsapalaran sa buhay. Sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay naisipan niyang pumunta sa Firenze at magbaka-sakali. Hindi nagging madali ang lahat para kay Willy na nakipagsapalaran sa isang bansang may ibang wika at kultura. Nang mga panahong iyon ay kokonti pa lamang ang mga Pilipino sa Firenze at halos lahat ay nanunuluyan sa kani-kanilang mga employers kaya ang istasyon ng Santa Maria Novella sa Firenze ang kanyang naging pansamantalang tahanan noon. “Wala pa kasing mga apartments noon ang mga Pilipino kaya wala ka talagang maaasahang may matitirahan ka ditto noon. Kaya ang Binario 9 sa istasyon ako nagtatambay kasama ang iba pang mga stranded sa Firenze. Minsan nga, isang winter dito ay naranasan kong matulog sa mga telephone booths sa istasyon.”
Isang kapwa Pilipino, si Ms. Letty Vidania ang tumulong sa kanya nang patago siyang patuluyin sa bahay ng kanyang pinagta-trabahuhang Italyano. Dito niya napag-isipan na buhay pa pala ang ispiritu ng bayanihan sa mga Pilipino. “Napalaking tulong ang ginawa sa akin ng ating kababayang ‘yon. At tatanawin ko na napakalaking utang na loob sa kanya habang ako ay nabubuhay ang mga kabutihangginawa niya sa akin noong ako ay nangangailangan. Imagine, nag-aabang ako sa labas ng bahay at hinihintay na umalis ang amo niya bago ako makapasok at makikain. Kaya naman talagang laking pasasalamat ko sa kanya.”
Makalipas ang tatlong taon ay nakamit ni Willy ang inaasam-asam na “permesso di soggiorno” at dito na siya nagsimula na makapaghanapbuhay sa Italya ng maayos at legal. Dahil na rin sa taglay na kasipagan ay unti-unti ng dumating ang mga magagandang bagay sa buhay ni Willy kasama na ang pagkakaroon ng isang mabait na asawa sa katauhan ni Ms. Adelfa Garcia. “Nang medyo sabihin na natin na nakakariwasa na ako, ako naman ang tumulong sa mga kababayan natin na nangangailangan. Ako naman ang patagong nagpatuloy ng mga stranded na Pinoy sa bahay ng aking amo noon. Masarap talaga ang feeling ng nakakatulong. Mas lalo akong nakatulong sa mga Pilipino nang ako ay pumasok bilang volunteer sa Consular’s Office bilang interpreter.”
Makalipas ang lampas tatlong dekadang pamumuhay ni Willy sa Italya ay masasabi na natin na malayo na ang kanyang narating at higit pa sa inaasahan niyang tagumay ang kanyang tinatamasa sa ngayon. Sa estadong ito ng kanyang buhay ay natuon din ang kanyang atensyon sa pagtulong sa mga kapwa imigranteng Pilipino sa Italya at sa iba’t-ibang cultutal at civic groups. Sa kasaysayang ito ng buhay ni Willy, pinapatunayan lamang na hindi masama ang pangarap at ang atin lamang makakamtan ang ating mga pangarap kung ito ay ating pagsisikapan.
“Birthday Party Celebration of the Decade”, usap-usapan sa Tuscany
Mula sa AKO AY PILIPINO, Mabuhay ka, Willy at mabuhay ang lahat ng mga OFW sa buong mundo. (ni: Rogel Esguerra Cabigting)